Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:1-8

Ang Kautusan ng Dios

119 Mapalad ang taong namumuhay nang malinis, na naaayon sa utos ng Panginoon.
Mapalad ang taong sumusunod sa mga katuruan ng Dios, at buong pusong hinahanap ang kanyang kalooban.
Hindi sila gumagawa ng masama kundi sumusunod sa mga pamamaraan ng Dios.
Panginoon, ibinigay nʼyo sa amin ang inyong mga tuntunin upang itoʼy matapat naming sundin.
Labis kong ninanais na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga tuntunin.
At hindi ako mapapahiya kapag sinunod ko ang inyong mga utos.
Akoʼy magpupuri sa inyo nang may malinis na puso,
    habang pinag-aaralan ko ang inyong matuwid na mga utos.
Susundin ko ang inyong mga tuntunin,
    kaya huwag nʼyo akong pababayaan.

Deuteronomio 30:1-9

Ang mga Dapat Gawin upang Pagpalain ng Dios

30 “Kapag nangyari na sa inyo ang mga bagay na ito – ang mga pagpapala at ang mga sumpa na aking sinabi sa inyo – at maalala ninyo ito kapag naroon na kayo sa mga bansa kung saan ipinabihag kayo ng Panginoon na inyong Dios, at kung sa mga oras na iyon ay magbabalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, at susundin ninyo nang buong puso at kaluluwa ang lahat ng iniutos ko sa inyo ngayon, kaaawaan kayo ng Panginoon na inyong Dios at titipunin mula sa lahat ng bansa kung saan ipinabihag niya kayo, at pagkatapos ay muling magiging mabuti ang kalagayan ninyo. Kahit itinaboy pa niya kayo sa pinakamalayong bahagi ng mundo, titipunin pa rin kayo ng Panginoon na inyong Dios at pababalikin sa lupain ng inyong mga ninuno, at aangkinin ninyo ito. Pauunlarin at padadamihin pa niya kayo kaysa sa inyong mga ninuno. Babaguhin ng Panginoon na inyong Dios ang mga puso ninyo at ang mga puso ng inyong lahi para mahalin ninyo siya nang buong pusoʼt kaluluwa, at mabubuhay kayo nang matagal. Ipaparanas ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng sumpang ito sa inyong mga kaaway na napopoot at gumigipit sa inyo. Muli ninyong susundin ang Panginoon at tutuparin ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pauunlarin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng ginagawa ninyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong mga ani, dahil natutuwa ang Panginoong pagpalain kayo gaya ng pagpapala niya sa inyong mga ninuno.

Mateo 15:1-9

Ang tungkol sa mga Tradisyon(A)

15 Pagkatapos noon, lumapit kay Jesus ang ilang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem. Tinanong nila si Jesus, “Bakit nilalabag ng mga tagasunod mo ang tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” Sumagot si Jesus sa kanila, “At kayo, bakit ninyo nilalabag ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon? Halimbawa, sinabi ng Dios, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[a] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[b] Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa kanyang mga magulang na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay nakalaan na sa Dios, hindi na niya kailangang tumulong sa kanila. Pinawawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon. Mga pakitang-tao! Tamang-tama ang sinabi ng Dios tungkol sa inyo sa pamamagitan ni Isaias:

‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
    ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
    sapagkat ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’ ”[c]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®