Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 40:1-11

Awit ng Pagpupuri sa Panginoon

40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
    at dininig niya ang aking mga daing.
Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
    ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
    mapahamak.
Tinuruan niya ako ng bagong awit,
    ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
    at silaʼy magtitiwala sa kanya.
Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
    at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
    o sumasamba sa mga dios-diosan.

Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
    Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
    at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
    Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
    Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
    Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
Kaya sinabi ko,
    “Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
    Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”

Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
    At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
    Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
    Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
    Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.
11 Panginoon, huwag nʼyong pigilin ang awa nʼyo sa akin.
    Ang inyong pag-ibig at katapatan ang laging mag-iingat sa akin.

Isaias 22:15-25

Ang Mensahe para kay Shebna

15 Inutusan ako ng Panginoong Dios na Makapangyarihan na puntahan ko si Shebna na katiwala ng palasyo, at sabihin sa kanya, 16 “Sino ka ba para humuhukay sa gilid ng bundok para gumawa ng libingang kasama ng mga bayani? Sino ang nagbigay sa iyo ng pahintulot na gawin ito? 17 Mag-ingat ka! Kahit na ikaw ay makapangyarihan, huhulihin ka at itatapon ng Panginoon. 18 Bibilugin ka niya na parang bola at itatapon sa maluwang na lupain. Doon ka mamamatay at doon din mawawasak ang mga karwaheng ipinagmamalaki mo. Nagdulot ka ng kahihiyan sa iyong amo. 19 Sinasabi pa ng Panginoon sa iyo, ‘Paaalisin kita sa iyong katungkulan. 20 Sa araw na iyon, tatawagin ko ang lingkod kong si Eliakim na anak ni Hilkia. 21 Ipapasuot ko sa kanya ang damit mong pang-opisyal pati ang iyong sinturon, at ibibigay ko sa kanya ang kapangyarihan mo. Siya ang magiging pinakaama ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda. 22 Ibibigay ko sa kanya ang susi ng kaharian ni David. Kapag binuksan niya ang pintuan, walang makapagsasara nito, at kapag sinarhan niya walang makapagbubukas nito. 23 Palalakasin ko siya sa kanyang katungkulan na parang matibay na sabitan sa dingding, at magbibigay siya ng karangalan sa kanyang pamilya. 24 At ang buo niyang pamilya at mga kamag-anak ay aasa sa kanya. Para siyang sabitan na pinagsasabitan ng sari-saring maliliit na lalagyan mula sa tasa hanggang sa mga palayok. 25 Sa araw na iyon kapag marami na ang nakasabit sa kanya, mahuhulog siya at mawawasak ang lahat ng nakasabit sa kanya. Mangyayari nga ito dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Galacia 1:6-12

Iisa Lang ang Magandang Balita

Nagtaka ako dahil ang dali ninyong tumalikod sa Dios na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. Bumaling kayo sa ibang magandang balita na hindi naman totoo. Ang totoo, walang ibang magandang balita. Nasabi ko ito dahil may mga taong nanggugulo sa inyo, at gusto nilang baluktutin ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. Sumpain nawa ng Dios ang sinuman – kami o maging isang anghel galing sa langit – na mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa ipinangaral namin sa inyo. Sinabi na namin sa inyo noon at muli kong sasabihin: Kung may mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa tinanggap ninyo, sumpain siya ng Dios! 10 Huwag ninyong isipin na ang nais ko ay malugod sa akin ang tao. Hindi! Ang nais ko ay malugod sa akin ang Dios. Kung ang ikalulugod ng tao ang hinahanap ko, hindi ako tunay na lingkod ni Cristo.

Paano Naging Apostol si Pablo

11 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo ay hindi gawa-gawa lang ng tao. 12 At hindi ko rin ito tinanggap o natutunan mula sa mga tao, kundi ipinahayag mismo sa akin ni Jesu-Cristo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®