Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 2:1-10

Ang Panalangin ni Hanna

At nanalangin si Hanna,

“Nagagalak ako sa Panginoon!
Dahil sa kanyang ginawa, hindi na ako mahihiya.
Tinatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway.
Nagagalak ako sa pagliligtas niya sa akin.
Walang ibang banal maliban sa Panginoon.
Wala siyang katulad.
Walang Bato na kanlungan tulad ng ating Dios.
Walang sinumang makapagyayabang dahil alam ng Panginoong Dios ang lahat ng bagay,
at hinahatulan niya ang mga gawa ng tao.
Nililipol niya ang mga makapangyarihan,
ngunit pinalalakas niya ang mahihina.
Ang mayayaman noon, ngayon ay nagtatrabaho para lang may makain.
Ngunit ang mahihirap noon ay sagana na ngayon.
Ang dating baog ay marami nang anak.[a]
Ngunit ang may maraming anak ay nawalan ng mga ito.
May kapangyarihan ang Panginoon na patayin o buhayin ang tao.
May kapangyarihan siyang ilagay sila sa lugar ng mga patay o kunin sila roon.
Ang Panginoon ang nagpapadukha at nagpapayaman.
Itinataas niya ang iba at ang iba naman ay kanyang ibinababa.
Ibinabangon niya ang mga mahihirap sa kanilang kahirapan.
Pinapaupo niya sila kasama ng mga maharlika at pinararangalan.
Sa kanya ang pundasyon na kinatatayuan ng mundo.
Iniingatan niya ang tapat niyang mamamayan.
Ngunit lilipulin niya ang masasama.
Walang sinumang magtatagumpay sa pamamagitan ng sarili niyang kalakasan.
10 Dudurugin niya ang kanyang mga kaaway.
Padadagundungin niya ang langit laban sa kanila.
Ang Panginoon ang hahatol sa buong mundo.[b]
Dahil sa kanya, magiging makapangyarihan at laging magtatagumpay ang haring kanyang hinirang.”

Genesis 17:15-22

15 Sinabi pa ng Dios kay Abraham, “Tungkol naman sa asawa mong si Sarai, hindi mo na siya tatawaging Sarai, kundi mula ngayon ay Sara[a] na ang itatawag mo sa kanya. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Magiging ina siya ng maraming bansa, at ang iba niyang mga lahi ay magiging hari.”

17 Nang marinig ito ni Abraham, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios, pero tumawa siya sa kanyang narinig. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa ba ako na nasa 100 taong gulang na? At si Sara, mabubuntis pa kaya siya na nasa 90 taong gulang na?” 18 Sinabi niya sa Dios, “Kung ganoon po ang mangyayari, nawaʼy pagpalain nʼyo rin po ang anak kong si Ishmael.”

19 Sumagot ang Dios, “Ang totoo ay ito: Ang asawa mong si Sara ay manganganak ng lalaki at papangalanan mo siyang Isaac.[b] Sa kanya ko ipagpapatuloy ang kasunduan ko sa iyo, at magpapatuloy ang kasunduang ito sa mga lahi niya magpakailanman. 20 Tungkol naman kay Ishmael, narinig ko ang kahilingan mo para sa kanya. Pagpapalain ko siya at bibigyan ng maraming lahi. Magiging ama siya ng 12 pinuno, at ang mga lahi niya ay magiging mga tanyag na tao.[c] 21 Kaya lang, ang kasunduan ko sa iyo ay tutuparin ko lang kay Isaac at sa mga lahi niya. Ipapanganak ni Sara si Isaac sa ganito ring panahon sa susunod na taon.” 22 Umalis ang Dios pagkatapos niyang sabihin kay Abraham ang mga ito.

Galacia 4:8-20

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia

Noong hindi nʼyo pa kilala ang Dios, naging alipin kayo ng mga dios-diosan. Ngunit ngayong kilala nʼyo na ang Dios (o mas mabuting sabihin na kinilala kayo ng Dios bilang mga anak) bakit bumabalik pa kayo sa walang bisa at mga walang kwentang panuntunan? Bakit gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito? 10 May pinapahalagahan pa kayong mga araw, buwan, panahon at mga taon! 11 Nag-aalala ako na baka nasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko sa inyo.

12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, na tularan ninyo ako, dahil kahit isa akong Judio, tinalikuran ko ang pagsunod sa Kautusan ng mga Judio at naging katulad ninyong hindi Judio.

Wala kayong kasalanan sa akin. 13 Alam naman ninyo na ang pagkakasakit ko ang naging dahilan kaya ko naipangaral sa inyo ang Magandang Balita sa unang pagkakataon. 14 Kahit naging pagsubok sa inyo ang sakit ko, hindi nʼyo ako hinamak o itinakwil. Sa halip, tinanggap nʼyo pa nga ako na parang isang anghel ng Dios o parang ako na mismo si Jesu-Cristo. 15 Napakasaya natin noon. Ano ang nangyari? Ako mismo ang makakapagpatunay na kung maaari lang noon ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata para ibigay sa akin. 16 Naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan?

17 May mga tao riyan na nagpapakita ng pagmamalasakit sa inyo, pero hindi mabuti ang hangarin nila. Gusto lang nila akong siraan, para sila ang sundin ninyo. 18 Hindi masamang magpakita sila ng pagmamalasakit kahit wala ako sa piling nʼyo, bastaʼt mabuti lang ang hangarin nila. 19 Minamahal kong mga anak, hanggaʼt hindi nakikita sa inyo ang buhay ni Cristo, maghihirap akong parang isang babaeng nanganganak. 20 Kung maaari lang sana, makapunta na ako riyan at makausap kayo nang maayos dahil nag-aalala ako ng labis sa inyo!

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®