Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
6 na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
7 Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
8 Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
pinalalakas ang mga nanghihina,
at ang mga matuwid ay minamahal niya.
9 Iniingatan niya ang mga dayuhan,
tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.
10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!
Ang mga Ninuno ni David
13 Kaya nagpakasal si Boaz kay Ruth, at niloob ng Panginoon na magdalantao si Ruth at manganak ng isang lalaki. 14 Sinabi ng mga kababaihan kay Naomi, “Purihin ang Panginoon! Binigyan ka niya ngayon ng apo na mag-aaruga sa iyo. Nawaʼy maging tanyag siya sa Israel! 15 Palalakasin at aalagaan ka niya kapag matanda ka na, dahil anak siya ng manugang mo na nagmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal ng pitong anak na lalaki.”
16 Palaging kinukuha ni Naomi ang bata at kinakalong. At siya ang nagbabantay nito. 17 Sinabi ng mga babaeng kapitbahay ni Naomi, “May apong lalaki na si Naomi!” Pinangalanan nila ang bata na Obed. At nang malaki na si Obed, nagkaanak siya na Jesse ang pangalan. At si Jesse ang naging ama ni David.
11 Kung ganito ang magiging kahihinatnan ng lahat, dapat kayong mamuhay nang banal at makadios, 12 habang hinihintay nʼyo ang araw ng pagdating ng Dios at ginagawa ang makakayanan nʼyo para mapadali ang pagdating niya. Sa araw na ito, masusunog ang langit sa apoy at matutunaw ang lahat ng nasa lupa sa tindi ng init. 13 Ngunit ayon sa pangako niya, may maaasahan din tayong bagong langit at lupa na paghaharian ng katarungan.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang inaasahan nʼyo ang bagay na ito, pagsikapan ninyong mamuhay nang mapayapa, malinis, at walang kapintasan sa paningin niya. 15 Alalahanin nʼyo na kaya hindi pa dumarating ang Panginoon ay para bigyan ng pagkakataong maligtas ang mga tao, gaya nga ng mga isinulat sa inyo ng mahal nating kapatid na si Pablo sa pamamagitan ng karunungang ibinigay sa kanya ng Panginoon. 16 At ito rin ang sinasabi niya sa lahat ng sulat niya. May ilang bahagi sa mga sulat niya na mahirap intindihin, na binibigyan ng maling kahulugan ng mga hangal at mahihina ang pananampalataya, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga Kasulatan. Kaya sila mismo ang nagpapahamak sa sarili nila. 17 Mga minamahal, alam na ninyo ito kahit noon pa. Kaya mag-ingat kayo nang hindi kayo maloko sa pamamagitan ng mga maling aral ng mga taong suwail, at mawalay sa mabuti ninyong kalagayan sa Dios. 18 Sa halip, lumago kayo sa biyaya ng Dios at sa pagkakakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®