Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
May Kanya-kanyang Oras ang Lahat
3 May oras na nakatakda para sa lahat ng gawain dito sa mundo:
2 May oras ng pagsilang at may oras ng kamatayan;
may oras ng pagtatanim at may oras ng pag-aani.
3 May oras ng pagpatay at may oras ng pagpapagaling;
may oras ng pagsira at may oras ng pagpapatayo.
4 May oras ng pagluha at may oras ng pagtawa;
may oras ng pagluluksa at may oras ng pagdiriwang.
5 May oras ng pagkakalat ng bato at may oras ng pagtitipon nito;
may oras ng pagsasama[a] at may oras ng paghihiwalay.
6 May oras ng paghahanap at may oras ng paghinto ng paghahanap;
may oras ng pagtatago at may oras ng pagtatapon.
7 May oras ng pagpunit at may oras ng pagtahi;
may oras ng pagtahimik at may oras ng pagsasalita.
8 May oras ng pagmamahal at may oras ng pagkagalit;
may oras ng digmaan at may oras ng kapayapaan.
9 Kung ang mga oras na ito ay itinakda na ng Dios, ano ngayon ang kabuluhan ng pagsisikap ng tao? 10 Nakita ko ang mga gawaing itinakda ng Dios para sa tao. 11 At lahat ng ito ay itinadhana ng Dios na mangyari sa takdang panahon. Binigyan niya tayo ng pagnanais na malaman ang hinaharap, pero hindi talaga natin mauunawaan ang mga ginawa niya mula noong simula hanggang wakas. 12 Naisip ko na walang pinakamabuting gawin ang tao kundi magsaya at gumawa ng mabuti habang nabubuhay. 13 Gusto ng Dios na kumain tayo, uminom at magpakasaya sa mga pinaghirapan natin dahil ang mga bagay na itoʼy regalo niya sa atin.
Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan
8 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
2 Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.
3 Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
4 akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
5 Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
6 Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
7 mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
8 ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
9 O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos nito, nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa. Naglaho na ang dating langit at lupa, pati na rin ang dagat. 2 At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. Ang lungsod na iyon ay tulad ng isang babaeng ikakasal. Handang-handa na, at gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. 3 Narinig ko ang isang malakas na sigaw mula sa trono, “Ngayon, ang tahanan ng Dios ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan na siyang kasama nila. Silaʼy magiging mga mamamayan niya. At siyaʼy makakapiling na nila [at magiging Dios nila.] 4 Papahirin niya ang mga luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, kalungkutan, iyakan o sakit. Sapagkat lumipas na ang dating kalagayan.”
5 At sinabi ng nakaupo sa trono, “Binabago ko na ngayon ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo ang sinasabi ko dahil totoo ito at maaasahan.” 6 At sinabi pa niya, “Naganap na ang lahat! Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang simula at ang katapusan ng lahat. Ang sinumang nauuhaw ay paiinumin ko nang walang bayad sa bukal na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.
Ang Huling Paghuhukom
31 “Kapag ako na Anak ng Tao ay dumating na bilang Hari,[a] kasama ang lahat ng anghel, uupo ako sa aking dakilang trono. 32 Titipunin ko sa aking harapan ang lahat ng lahi sa mundo. Pagbubukud-bukurin ko sila, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at kambing. 33 Ang mga tupa, na walang iba kundi ang matutuwid, ay ilalagay ko sa aking kanan, at ang mga kambing, na walang iba kundi ang masasama, ay ilalagay ko sa aking kaliwa. 34 Pagkatapos, bilang Hari ay sasabihin ko sa mga tao sa aking kanan, ‘Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang mundo. 35 Sapagkat nang nagutom ako ay pinakain ninyo ako, at nang nauhaw ako ay pinainom ninyo. Nang naging dayuhan ako ay pinatuloy ninyo ako sa inyong tahanan, 36 at nang wala akong maisuot ay binihisan ninyo. Nang may sakit ako ay inalagaan ninyo, at nang nasa kulungan ako ay binisita ninyo.’ 37 Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan namin kayo nakitang naging dayuhan at aming pinatuloy o walang maisuot at aming binihisan? 39 Kailan namin kayo nakitang may sakit o nasa kulungan at aming binisita?’ 40 At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang ginawa nʼyo ito sa pinakahamak kong mga kapatid, para na rin nʼyo itong ginawa sa akin.’
41 “Pagkatapos, sasabihin ko naman sa mga tao sa aking kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa ng Dios! Doon kayo sa walang katapusang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat nang nagutom ako ay hindi nʼyo ako pinakain, at nang nauhaw ako ay hindi nʼyo pinainom. 43 Nang naging dayuhan ako ay hindi nʼyo ako pinatuloy sa inyong tahanan, at nang wala akong maisuot ay hindi nʼyo binihisan. Nang may sakit ako at nasa kulungan ay hindi nʼyo ako inalagaan.’ 44 Tatanungin nila ako, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, walang maisuot, may sakit o nasa kulungan at hindi namin kayo tinulungan?’ 45 At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang hindi ninyo tinulungan ang pinakahamak kong mga kapatid, ako ang hindi ninyo tinulungan.’ 46 Itataboy ko ang mga taong ito sa walang hanggang kaparusahan, ngunit bibigyan ko ang mga matuwid ng buhay na walang hanggan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®