Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Papuri
135 Purihin ang Panginoon! Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,
2 na naglilingkod sa templo ng Panginoon na ating Dios.
3 Purihin ninyo ang Panginoon, dahil siya ay mabuti.
Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, dahil ito ay kaaya-aya.
4 Purihin ninyo siya dahil pinili niya ang mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob, na maging espesyal niyang mamamayan.
5 Alam kong ang Panginoon ay higit na dakila kaysa sa alinmang dios-diosan.
6 Ginagawa ng Panginoon ang anumang nais niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman nito.
7 Dinadala niya paitaas ang mga ulap mula sa malayong dako ng mundo,
at pinadala ang kidlat na may kasamang ulan.
Inilabas din niya ang hangin mula sa kinalalagyan nito.
8 Pinatay niya ang mga anak na panganay ng mga Egipcio at pati na ang mga panganay ng kanilang mga hayop.
9 Gumawa rin siya dito ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay upang parusahan ang Faraon at ang lahat niyang mga lingkod.
10 Winasak niya ang maraming bansa,
at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,
11 katulad nina Sihon na hari ng Amoreo, Haring Og ng Bashan,
at ang lahat ng hari ng Canaan.
12 At kinuha niya ang kanilang mga lupain at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita upang maging kanilang pag-aari.
13 Panginoon, ang inyong pangalan at katanyagan ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.
14 Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon, na ang inyong lingkod ay walang kasalanan,
at silaʼy inyong kahahabagan.
15 Ang mga dios ng ibang mga bansa ay mga yari sa pilak at ginto na gawa ng tao.
16 May mga bibig, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
17 May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig,
at silaʼy walang hininga.
18 Ang mga gumawa ng dios-diosan at ang lahat ng nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito na walang kabuluhan.
19-20 Kayong mga mamamayan ng Israel, pati kayong mga angkan ni Aaron at ang iba pang mga angkan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong mga may takot sa Panginoon, purihin ninyo siya!
21 Purihin ninyo ang Panginoon na nasa Zion, ang bayan ng Jerusalem na kanyang tahanan.
Purihin ang Panginoon!
Ang Pagsamba sa mga Dios-diosan ng mga Namamahala sa Israel
14 Minsan, lumapit sa akin ang mga tagapamahala ng Israel at umupo sa harap ko para sumangguni sa Panginoon. 2 Sinabi sa akin ng Panginoon, 3 “Anak ng tao, ang mga taong iyan ay nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanila sa pagkakasala, kaya hindi ako makakapayag na humingi sila ng payo sa akin. 4 Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: ‘Ang sinumang Israelitang nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humihingi ng payo sa isang propeta ay tuwiran kong sasagutin sa pamamagitan ng parusang nararapat at ayon sa dami ng kanyang mga dios-diosan. 5 Gagawin ko ito para magsibalik sa akin ang lahat ng Israelitang lumayo sa akin dahil sa mga dios-diosan nila.’
6 “Kaya sabihin mo ngayon sa mga Israelitang ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Magsisi kayo at itakwil na ang mga dios-diosan ninyo at talikuran ang lahat ng kasuklam-suklam ninyong mga gawa. 7 Ang sinumang Israelita o hindi Israelitang nakatira sa Israel, na lumayo sa akin at nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humingi ng payo sa akin sa pamamagitan ng paglapit sa mga propeta, ako, ang Panginoon, ang tuwirang sasagot mismo sa kanya sa pamamagitan ng parusa. 8 Kakalabanin ko siya at gagawing babala sa mga tao, at siyaʼy pag-uusapan nila. Ihihiwalay ko siya sa mga mamamayan ko. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
9 “Kung ang isang propeta ay iniligaw sa pagpapahayag ng mali, itoʼy dahil sa ako, ang Panginoon ay nag-udyok sa kanya para magpahayag ng mali. Parurusahan ko siya at ihihiwalay sa mga mamamayan kong Israel. 10 Ang propetang iyon at ang mga taong humingi ng payo sa kanya ay parehong parurusahan. 11 Gagawin ko ito para ang mga Israelita ay hindi na lumayo sa akin at nang hindi na nila dungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan. Kung magkagayon, magiging mga mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Paggaling ng Taong Lumpo
3 Isang araw, bandang alas tres ng hapon, pumunta si Pedro at si Juan sa templo. Oras noon ng pananalangin. 2 Sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda” ay may isang taong lumpo mula nang ipinanganak. Araw-araw siyang dinadala roon para humingi ng limos sa mga taong pumapasok sa templo. 3 Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. 4 Tinitigan siya nina Pedro at Juan. Pagkatapos, sinabi ni Pedro sa kanya, “Tumingin ka sa amin.”
5 Tumingin ang lalaki sa kanila na naghihintay na malimusan. 6 Pero sinabi ni Pedro sa kanya, “Wala akong pera.[a] Ngunit may ibibigay ako sa iyo: Sa pangalan[b] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, lumakad ka!” 7 At hinawakan ni Pedro ang kanang kamay nito at pinatayo siya. Biglang lumakas ang kanyang mga paa at bukong-bukong. 8 Tumayo siya agad at lumakad-lakad. Pagkatapos, sumama siya kina Pedro at Juan sa templo. Palakad-lakad at patalon-talon siyang nagpupuri sa Dios. 9 Nakita ng lahat na lumalakad siya at nagpupuri sa Dios. 10 Napansin nila na siya pala ang taong palaging nakaupo at humihingi ng limos doon sa pintuan ng templo na tinatawag na “Maganda.” Kaya lubos ang kanilang pagkamangha sa nangyari sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®