Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 96

Ang Dios ang Pinakamakapangyarihang Hari(A)

96 Kayong mga tao sa buong mundo,
    umawit kayo ng mga bagong awit sa Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon at purihin ang kanyang pangalan.
    Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagligtas niya sa atin.
Ipahayag ninyo sa lahat ng mamamayan sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at mga kahanga-hangang gawa.
Dahil dakila ang Panginoon, at karapat-dapat papurihan.
    Dapat siyang igalang ng higit sa lahat ng mga dios,
dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay hindi tunay na mga dios.
    Ang Panginoon ang lumikha ng langit.
Nasa kanya ang kapangyarihan at karangalan;
    at nasa templo niya ang kalakasan at kagandahan.
Purihin ninyo ang Panginoon,
    kayong lahat ng tao sa mundo.
    Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
    Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa templo.
Sambahin ninyo ang kabanalan ng Panginoon.
    Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon!”
    Matatag ang daigdig na kanyang nilikha at hindi ito matitinag.
    Hahatulan niya ang mga tao ng walang kinikilingan.
11-12 Magalak ang kalangitan at mundo,
    pati ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
    Lahat ng mga puno sa gubat ay umawit sa tuwa
13 sa presensya ng Panginoon.
    Dahil tiyak na darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo batay sa kanyang katuwiran at katotohanan.

1 Hari 12:20-33

20 Nang mabalitaan ng lahat ng mga Israelita na nakauwi na si Jeroboam, ipinatawag nila siya sa isang pagtitipon at ginawa nila siyang hari sa buong Israel. Ang lahi lang ni Juda ang nanatiling tapat sa paghahari ng mga angkan ni David.

Binalaan ni Shemaya si Rehoboam(A)

21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya. 22 Pero sinabi ng Dios kay Shemaya na kanyang lingkod, 23 “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng sambayanan ng Juda at Benjamin at sa iba pang taong naroon 24 na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa mga kapwa ninyo Israelita. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod nga sila sa Panginoon at umuwi ayon sa inutos ng Panginoon.

Nagpagawa si Jeroboam ng mga Gintong Baka

25 Pinalibutan ni Jeroboam ng pader ang lungsod ng Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya tumira. Kinalaunan, pumunta siya sa Penuel at ipinaayos niya ito. 26 Sinabi niya sa kanyang sarili, “Baka maibalik ang kaharian sa angkan ni David 27 kung magpapatuloy ang mga tao sa pagpunta sa Jerusalem para maghandog doon sa templo ng Panginoon. Maaaring mahulog muli ang kanilang loob kay Haring Rehoboam ng Juda. At kung mangyayari iyon, papatayin nila ako at babalik sila kay Rehoboam.”

28 Kaya pagkatapos na payuhan si Jeroboam tungkol dito, nagpagawa siya ng dalawang gintong baka. Sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, mahirap na para sa inyo na makapunta pa sa Jerusalem. Narito ang inyong mga dios na naglabas sa inyo sa Egipto.” 29 Ang isang gintong baka ay ipinalagay niya sa Betel at ang isa naman ay sa Dan. 30 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.[a] Pumupunta pa sila kahit sa Dan para sumamba roon.

31 Nagpagawa pa si Jeroboam ng mga sambahan sa matataas na lugar[b] at pumili siya ng mga tao na maglilingkod bilang pari, kahit hindi sila mula sa pamilya ng mga Levita. 32 Nagpasimula rin siya ng pista na ipinagdiriwang tuwing ika-15 araw ng ikawalong buwan, tulad ng pista sa Juda. Nang araw na iyon, nag-alay siya sa Betel ng mga handog sa altar para sa mga gintong baka na ipinagawa niya. At doon siya pumili ng mga pari na itinalaga niyang maglingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar na ipinagawa niya. 33 Sa araw na iyon na naghandog siya sa altar na kanyang ipinagawa sa Betel, sinimulan niya ang pista para sa mga Israelita. Siya ang pumili ng petsang ika-15 araw ng ikawalong buwan para sa ganitong pista.

2 Corinto 5:11-17

Nakabalik Tayo sa Dios Dahil kay Cristo

11 Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, ginagawa namin ang lahat para mahikayat ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Dios ang tunay naming pagkatao, at umaasa akong alam din ninyo ito. 12 Hindi dahil sa ibinibida na naman namin ang aming sarili, kundi dahil gusto namin na may maipagmalaki kayo tungkol sa amin, para may maisagot kayo sa mga taong pumupuri lamang sa mga bagay na panlabas, at hindi sa nilalaman ng puso. 13 Kung magmukha man kaming nasisiraan ng bait, itoʼy para sa Dios. At kung kami naman ay matino, itoʼy para sa inyong kapakanan. 14 Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang siyang nag-uudyok sa amin na sundin ang kanyang kalooban. Kumbinsido kami na namatay si Cristo para sa lahat, kaya maituturing din na namatay ang lahat. 15 Namatay siya para sa lahat, para ang lahat ng nabubuhay ngayon ay hindi na mamumuhay para sa sarili, kundi para sa kanya na namatay at nabuhay para sa kanila.

16 Kaya ngayon, hindi na namin tinitingnan ang mga tao ayon sa batayan ng mga hindi kumikilala sa Dios. Noong una, ganoon ang pagtingin namin kay Cristo, pero hindi na ngayon. 17 Ang sinumang nakay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao; binago na siya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®