Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagtatagumpay
68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
2 Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
3 Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
4 Awitan ninyo ang Dios,
awitan ninyo siya ng mga papuri.
Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
Magalak kayo sa kanyang harapan!
5 Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
6 Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
at binibigyan sila ng masaganang buhay.
Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
7 O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
8 nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
9 Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.
19 Purihin ang Panginoon,
ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
Nagsalita si Elifaz
22 Pagkatapos, sumagot si Elifaz na taga-Teman,
2 “May maitutulong ba ang tao sa Dios, o kahit ang taong marunong? 3 Matutuwa kaya ang Makapangyarihang Dios kung matuwid ka? May mapapala ba siya sa iyo kung walang kapintasan ang buhay mo? 4 Sinasaway ka at hinahatulan ng Dios hindi dahil may takot ka sa kanya, 5 kundi dahil sa sukdulan na ang kasamaan mo at walang tigil ang paggawa mo ng kasalanan. 6 Walang awa mong kinukuha ang damit ng iyong kapwa bilang garantiya sa kanyang utang sa iyo. 7 Hindi mo binibigyan ng tubig ang nauuhaw at hindi mo rin binibigyan ng pagkain ang nagugutom. 8 Ginagamit mo ang iyong kapangyarihan at kadakilaan sa pangangamkam ng lupa. 9 Kapag humihingi sa iyo ng tulong ang mga biyuda, pinauuwi mo silang walang dala. Pinagmamalupitan mo pa pati ang mga ulila. 10 Iyan ang mga dahilan kung bakit napapalibutan ka ng patibong at dumarating sa iyo ang biglang pagkatakot. 11 Iyan din ang mga dahilan kung bakit nadiliman ka at hindi nakakita, at inaapawan pa ng baha.
12 “Ang Dios ay nasa kataas-taasang langit, mas mataas pa sa pinakamataas na bituin. 13 Kaya sinasabi mo, ‘Hindi alam ng Dios ang ginagawa ko. Paano siya makakahatol kung napapalibutan siya ng makapal na ulap? 14 Napapalibutan nga siya ng makapal na ulap, kaya hindi niya tayo makikita habang naglalakad siya sa itaas ng langit.’
15 “Patuloy ka bang susunod sa pag-uugaling matagal ng sinusunod ng taong masasama? 16 Namatay sila nang wala pa sa panahon; katulad sila ng pundasyon ng bahay na tinangay ng baha. 17 Sinabi nila sa Makapangyarihang Dios, ‘Hayaan mo na lamang kami! Ano bang magagawa mo para sa amin?’ 18 Pero ang Dios ang pumuno ng mabubuting bagay sa bahay nila. Kaya anuman ang ipapayo nitong mga taong masama ay hindi ko tatanggapin.
19 “Kapag nakita ng mga taong matuwid at walang kasalanan ang kapahamakan ng mga taong masama, matutuwa sila at magdiriwang. 20 Sasabihin nila, ‘Napahamak na ang mga kaaway natin, at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’
Ang Pagtanggap kay Pablo bilang Apostol
2 Pagkatapos ng 14 na taon, pumunta ulit ako sa Jerusalem. Kasama ko sina Bernabe at Tito. 2 Bumalik ako dahil nangusap sa akin ang Dios na dapat akong pumunta roon. Nakipagkita ako nang sarilinan sa mga pinuno ng iglesya, at ipinaliwanag ko sa kanila ang Magandang Balita na ipinangangaral ko sa mga hindi Judio. Ginawa ko ito para masiguro ko na hindi masasayang ang mga pinagpaguran ko noon hanggang ngayon. 3 Nalaman kong sang-ayon sila sa ipinangangaral ko dahil hindi nila pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito kahit na hindi siya Judio. 4 Lumabas ang usapin tungkol sa pagtutuli dahil sa ilang mga nagpapanggap na mga kapatid na nakisalamuha sa atin para sirain ang kalayaang natamo natin kay Cristo Jesus, at gawin ulit tayong alipin ng Kautusan ni Moises. 5 Ngunit kahit minsan, hindi kami sumang-ayon sa gusto nila, upang maingatan namin para sa inyo ang mga katotohanang itinuturo ng Magandang Balita.
6 Ang mga namumuno sa mga mananampalataya sa Jerusalem ay wala namang idinagdag sa mga itinuturo ko. (Kung sabagay hindi mahalaga sa akin kung sinuman sila, dahil walang itinatangi ang Dios.) 7 Sa halip na dagdagan nila ang mga itinuturo ko, kinilala nilang pinagkatiwalaan ako ng Dios sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga hindi Judio, tulad ni Pedro na pinagkatiwalaan sa pagpapahayag ng Magandang Balita sa mga Judio. 8 Sapagkat ang Dios na kumikilos sa gawain ni Pedro bilang apostol sa mga Judio ang siya ring kumikilos sa gawain ko bilang apostol sa mga hindi Judio. 9 Kaya nang malaman ng mga kinikilalang pinuno ng iglesya, na sina Santiago, Pedro at Juan, na ipinagkaloob sa akin ng Dios ang gawaing ito, tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa sa pangangaral ng Magandang Balita. Napagkasunduan namin na kami ang mangangaral sa mga hindi Judio, at sila naman ang mangangaral sa mga Judio. 10 Ang tanging hiling nila ay huwag naming kalilimutang tulungan ang mga mahihirap, at iyan din naman talaga ang nais kong gawin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®