Revised Common Lectionary (Complementary)
10 Kayo'y mangagalak na kasama ng Jerusalem, at mangatuwa dahil sa kaniya, kayong lahat na nagsisiibig sa kaniya: kayo'y mangagalak ng kagalakan na kasama niya, kayong lahat na nagsisitangis dahil sa kaniya:
11 Upang kayo'y makasuso at mabusog sa pamamagitan ng mga suso ng kaniyang mga kaaliwan; upang kayo'y makagatas, at malugod sa kasaganaan ng kaniyang kaluwalhatian.
12 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y maggagawad ng kapayapaan sa kaniya na parang isang ilog, at ang kaluwalhatian ng mga bansa ay parang malaking baha, at inyong sususuhin yaon; kayo'y kikilikin, at lilibangin sa mga tuhod.
13 Kung paanong ang sinoma'y inaaliw ng ina gayon ko aaliwin kayo; at kayo'y mangaaliw sa Jerusalem.
14 At inyong makikita, at magagalak ang inyong puso, at ang inyong mga buto ay giginhawang parang sariwang damo: at ang kamay ng Panginoon ay makikilala sa kaniyang mga lingkod, at siya'y magagalit laban sa kaniyang mga kaaway.
66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Dios, buong lupa.
2 Awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan: paluwalhatiin ninyo ang pagpuri sa kaniya.
3 Inyong sabihin sa Dios, napaka kakilakilabot ng iyong mga gawa! Sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay magsisuko ang iyong mga kaaway sa iyo.
4 Buong lupa ay sasamba sa iyo, at aawit sa iyo; sila'y magsisiawit sa iyong pangalan. (Selah)
5 Kayo ay magsiparito, at tingnan ninyo ang mga gawa ng Dios; siya'y kakilakilabot sa kaniyang gawain sa mga anak ng mga tao.
6 Kaniyang pinagiging tuyong lupa ang dagat: sila'y nagsidaan ng paa sa ilog: doo'y nangagalak kami sa kaniya.
7 Siya'y nagpupuno ng kaniyang kapangyarihan magpakailan man: papansinin ng kaniyang mga mata ang mga bansa: huwag mangagpakabunyi ang mga manghihimagsik. (Selah)
8 Oh purihin ninyo ang ating Dios, ninyong mga bayan, at iparinig ninyo ang tinig ng kaniyang kapurihan:
9 Na umaalalay sa ating kaluluwa sa buhay, at hindi tumitiis na makilos ang ating mga paa.
6 Mga kapatid, kung ang sinoman ay masumpungan sa anomang pagsuway, kayong mga sa espiritu, ay inyong papanumbalikin ang gayon sa espiritu ng kahinhinan; na iyong pagwariin ang iyong sarili, baka ikaw naman ay matukso.
2 Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.
3 Sapagka't kung ang sinoman ay nagaakala na siya'y may kabuluhan bagaman siya ay walang kabuluhan, ang kaniyang sarili ang dinadaya niya.
4 Nguni't siyasatin ng bawa't isa ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng kaniyang kapurihan tungkol sa kaniyang sarili lamang, at hindi tungkol sa kapuwa.
5 Sapagka't ang bawa't tao ay magpapasan ng kaniyang sariling pasan.
6 Datapuwa't ang tinuturuan sa aral ng Dios ay makidamay doon sa nagtuturo sa lahat ng mga bagay na mabuti.
7 Huwag kayong padaya; ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka't ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.
8 Sapagka't ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa't ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan.
9 At huwag tayong mangapagod sa paggawa ng mabuti: sapagka't sa kapanahunan ay magsisipagani tayo, kung hindi tayo manganghihimagod.
10 Kaya nga, samantalang tayo'y may pagkakataon, ay magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, at lalong lalo na sa mga kasangbahay sa pananampalataya.
11 Tingnan ninyo kung gaano kalalaking mga titik ang isinulat ko sa inyo ng aking sariling kamay.
12 Yaong lahat na may ibig magkaroon ng isang mabuting anyo sa laman, ay siyang pumipilit sa inyo na mangagtuli; upang huwag lamang silang pagusigin dahil sa krus ni Cristo.
13 Sapagka't yaon mang nangatuli na ay hindi rin nagsisitupad ng kautusan; nguni't ibig nilang kayo'y ipatuli, upang sila'y mangagmapuri sa inyong laman.
14 Datapuwa't malayo nawa sa akin ang pagmamapuri, maliban na sa krus ng ating Panginoong Jesucristo, na sa pamamagitan niyao'y ang sanglibutan ay napako sa krus sa ganang akin, at ako'y sa sanglibutan.
15 Sapagka't ang pagtutuli ay walang anoman, kahit man ang di-pagtutuli, kundi ang bagong nilalang.
16 At ang lahat na mangagsisilakad ayon sa alituntuning ito, kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanila, at sa Israel ng Dios.
10 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghalal ng pitongpu pa, at sila'y sinugong daladalawa, sa unahan ng kaniyang mukha, sa bawa't bayan at dako na kaniyang paroroonan.
2 At sinabi niya sa kanila, Sa katotohana'y marami ang aanihin, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa: kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.
3 Magsiyaon kayo sa iyong lakad; narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga lobo.
4 Huwag kayong magsipagdala ng supot ng salapi, ng supot man ng pagkain, ng mga pangyapak man; at huwag kayong magsibati kanino mang tao sa daan.
5 At sa alin mang bahay na inyong pasukin, ay sabihin ninyo muna, Kapayapaan nawa sa bahay na ito.
6 At kung mayroon doong anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaa'y mananatili sa kaniya: datapuwa't kung wala, ay babalik ito sa inyong muli.
7 At magsipanatili kayo sa bahay ding yaon, na kanin at inumin ninyo ang mga bagay na kanilang ibigay: sapagka't ang manggagawa ay marapat sa kaniyang kaupahan. Huwag kayong mangagpalipatlipat sa bahaybahay.
8 At sa alin mang bayan na iyong pasukin, at kayo'y kanilang tanggapin, ay kanin ninyo ang mga bagay na ihain sa inyo:
9 At pagalingin ninyo ang mga maysakit na nangaroon, at sabihin ninyo sa kanila, Lumapit na sa inyo ang kaharian ng Dios.
10 Datapuwa't sa alin mang bayan na inyong pasukin, at hindi kayo tanggapin, magsilabas kayo sa kanilang mga lansangan at inyong sabihin,
11 Pati ng alabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa, ay ipinapagpag namin laban sa inyo: gayon ma'y inyong talastasin ito, na lumapit na ang kaharian ng Dios.
16 Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil; at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo.
17 At nagsipagbalik ang pitongpu na may kagalakan, na nangagsasabi, Panginoon, pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan.
18 At sinabi niya sa kanila, Nakita ko si Satanas, na nahuhulog na gaya ng lintik, mula sa langit.
19 Narito, binigyan ko kayo ng kapamahalaan na inyong yurakan ang mga ahas at ang mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway: at sa anomang paraa'y hindi kayo maaano.
20 Gayon ma'y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.
Public Domain