Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Jeremias 23:1-6

23 Sa aba ng mga pastor na nangagpapahamak at nangagpapangalat sa mga tupa sa aking pastulan! sabi ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, laban sa mga pastor na nangagpastol ng aking bayan, Inyong pinangalat ang aking kawan, at inyong iniligaw sila, at hindi ninyo sila dinalaw; narito, dadalawin ko sa inyo ang kasamaan ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon.

At aking pipisanin ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat na lupain na aking pinagtabuyan sa kanila, at aking dadalhin sila uli sa kanilang mga kulungan; at sila'y magiging palaanak at magsisidami.

At ako'y maglalagay ng mga pastor sa kanila na kakandili sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila, sabi ng Panginoon.

Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon kay David ng matuwid na Sanga, at siya'y maghahari na gaya ng hari, at gagawang may kapantasan, at magsasagawa ng kahatulan at kaganapan sa lupain.

Sa kaniyang mga kaarawan ay maliligtas ang Juda, at ang Israel ay tatahang tiwasay; at ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Ang Panginoon ay ating katuwiran.

Awit 46

46 Ang Dios ay ating ampunan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.

Kaya't hindi tayo matatakot bagaman ang lupa ay mabago, at bagaman ang mga bundok ay mangaglipat sa kagitnaan ng mga dagat;

Bagaman ang tubig niyaon ay magsihugong at mabagabag. Bagaman ang mga bundok ay mangauga dahil sa unos niyaon. (Selah)

May isang ilog, na ang mga agos ay nagpapasaya sa bayan ng Dios. Sa banal na dako ng mga tabernakulo ng Kataastaasan.

Ang Dios ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos: tutulungan siya ng Dios na maaga.

Ang mga bansa ay nangagkagulo, ang mga kaharian ay nangakilos: inihiyaw niya ang kaniyang tinig, ang lupa ay natunaw.

Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin; ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan. (Selah)

Kayo'y parito, inyong masdan ang mga gawa ng Panginoon, kung anong mga kagibaan ang kaniyang ginawa sa lupa.

Kaniyang pinapaglilikat ang mga pagdidigma sa wakas ng lupa; kaniyang binabali ang busog, at pinuputol ang sibat; kaniyang sinusunog ang mga karo sa apoy.

10 Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios: ako'y mabubunyi sa gitna ng mga bansa, ako'y mabubunyi sa lupa.

11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin; ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan.

Colosas 1:11-20

11 Na kayo'y palakasin ng buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kaniyang kaluwalhatian, sa buong pagtitiis at pagpapahinuhod na may galak;

12 Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan;

13 Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig;

14 Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan:

15 Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang;

16 Sapagka't sa kaniya nilalang ang lahat na mga bagay, sa sangkalangitan at sa sangkalupaan, na mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamunuan o mga kapangyarihan; lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at ukol sa kaniya;

17 At siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya.

18 At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.

19 Sapagka't minagaling ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahanan sa kaniya;

20 At sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kaniya ang lahat ng mga bagay, na pinapayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang krus; sa pamamagitan niya, sinasabi ko, maging mga bagay sa kalupaan, o mga bagay sa sangkalangitan.

Lucas 23:33-43

33 At nang dumating sa dakong tinatawag na Bungo, ay kanilang ipinako roon siya sa krus, at ang mga tampalasan, isa sa kanan at isa sa kaliwa.

34 At sinabi ni Jesus, Ama, patawarin mo sila; sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. At sa pagbabahabahagi nila ng kaniyang mga suot ay kanilang pinagsapalaranan.

35 At nakatayong nanonood ang bayan. At tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; iligtas niya ang kaniyang sarili, kung ito ang Cristo ng Dios, ang hinirang niya.

36 At nililibak rin naman siya ng mga kawal, na nagsisilapit sa kaniya, na dinudulutan siya ng suka,

37 At sinabi, Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.

38 At mayroon naman sa itaas niya na isang pamagat, ITO'Y ANG HARI NG MGA JUDIO.

39 At siya'y inalipusta ng isa sa mga tampalasang nabibitin, na sinasabi, Hindi baga ikaw ang Cristo? iligtas mo ang iyong sarili at kami.

40 Datapuwa't sumagot ang isa, at pagsaway sa kaniya'y sinabi, Hindi ka pa baga natatakot sa Dios, yamang ikaw ay nasa gayon ding kaparusahan?

41 At tayo sa katotohanan ay ayon sa katuwiran; sapagka't tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa; datapuwa't ang taong ito'y hindi gumagawa ng anomang masama.

42 At sinabi niya, Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.

43 At sinabi niya sa kaniya, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain