Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 46

46 Ang Dios ay ating ampunan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.

Kaya't hindi tayo matatakot bagaman ang lupa ay mabago, at bagaman ang mga bundok ay mangaglipat sa kagitnaan ng mga dagat;

Bagaman ang tubig niyaon ay magsihugong at mabagabag. Bagaman ang mga bundok ay mangauga dahil sa unos niyaon. (Selah)

May isang ilog, na ang mga agos ay nagpapasaya sa bayan ng Dios. Sa banal na dako ng mga tabernakulo ng Kataastaasan.

Ang Dios ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos: tutulungan siya ng Dios na maaga.

Ang mga bansa ay nangagkagulo, ang mga kaharian ay nangakilos: inihiyaw niya ang kaniyang tinig, ang lupa ay natunaw.

Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin; ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan. (Selah)

Kayo'y parito, inyong masdan ang mga gawa ng Panginoon, kung anong mga kagibaan ang kaniyang ginawa sa lupa.

Kaniyang pinapaglilikat ang mga pagdidigma sa wakas ng lupa; kaniyang binabali ang busog, at pinuputol ang sibat; kaniyang sinusunog ang mga karo sa apoy.

10 Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios: ako'y mabubunyi sa gitna ng mga bansa, ako'y mabubunyi sa lupa.

11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumasa atin; ang Dios ni Jacob ay ating kanlungan.

Jeremias 22:18-30

18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, Hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah kapatid kong lalake! o, Ah kapatid na babae! hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah panginoon! o, Ah kaniyang kaluwalhatian!

19 Siya'y malilibing ng libing asno, na hihilahin at itatapon sa labas ng mga pintuang-bayan ng Jerusalem.

20 Ikaw ay sumampa sa Libano, at humiyaw; at ilakas mo ang iyong tinig sa Basan, at ikaw ay humiyaw mula sa Abarim; sapagka't lahat ng mangingibig sa iyo ay nalipol.

21 Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kaginhawahan; nguni't iyong sinabi, Hindi ko didinggin. Ito ang naging iyong paraan mula sa iyong kabataan, na hindi mo dininig ang aking tinig.

22 Lahat mong pastor ay pakakanin ng hangin, at ang mga mangingibig sa iyo ay mapapapasok sa pagkabihag; kung magkagayon ikaw ay mapapahiya at malilito dahil sa lahat mong kasamaan.

23 Oh nananahan sa Libano, na ginagawa mo ang iyong pugad sa mga cedro, kahabaghabag ka nga pagka ang mga pagdaramdam ay dumating sa iyo, ang hirap na gaya ng sa babae sa pagdaramdam!

24 Buhay ako, sabi ng Panginoon, bagaman si Conias na anak ni Joacim na hari sa Juda ay maging singsing na panatak sa aking kanang kamay, akin ngang huhugutin ka mula roon;

25 At aking ibibigay ka sa kamay ng nagsisiusig ng iyong buhay, at sa kamay nila na iyong kinatatakutan, sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo.

26 At itataboy ka, at ang iyong ina na nanganak sa iyo, sa ibang lupain, na hindi pinapanganakan sa inyo; at doon kayo mangamamatay.

27 Nguni't sa lupain na pinagnanasaan ng kanilang kaluluwa na pagbalikan, doon hindi sila mababalik.

28 Ito bagang lalaking si Conias ay isang sisidlang basag na walang kabuluhan? siya baga'y sisidlan na hindi kinaluluguran? bakit kanilang itinataboy, siya at ang kaniyang angkan, at itinapon sa lupain na hindi nila kilala?

29 Oh lupa, lupa, lupa, iyong pakinggan ang salita ng Panginoon.

30 Ganito ang sabi ng Panginoon, Isulat ninyo ang lalaking ito na walang anak, ang lalake na hindi giginhawa sa kaniyang mga kaarawan; sapagka't walang tao sa kaniyang angkan na giginhawa pa, na nauupo sa luklukan ni David, hindi na magpupuno pa sa Juda.

Lucas 18:15-17

15 At dinala naman nila sa kaniya ang kanilang mga sanggol, upang kaniyang hipuin sila; datapuwa't nang mangakita ito ng mga alagad, ay sila'y sinaway nila.

16 Datapuwa't pinalapit sila ni Jesus sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.

17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na gaya ng isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain