Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 84:8-12

Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[a] namin,
    ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
    O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[b]
    O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
    Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
    Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.

Daniel 5:1-12

Ang Piging ni Belshazar

1-3 Noong si Belshazar ang hari ng Babilonia, naghanda siya ng malaking piging para sa kanyang 1,000 marangal na mga bisita. Habang nag-iinuman sila, ipinakuha ni Belshazar ang mga tasang ginto at pilak na kinuha ng ama niyang si Nebucadnezar sa templo ng Dios sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito para gamitin nila ng kanyang mga marangal na mga bisita, ng kanyang mga asawa, at ng iba pa niyang mga asawang alipin. Nang madala na sa kanya ang mga tasa, ginamit nila ito para inuman. At habang silaʼy nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga dios na gawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.

Walang anu-anoʼy may nakitang kamay ang hari na sumusulat sa pader ng palasyo malapit sa ilawan. Dahil dito, nanginig at namutla ang hari sa tindi ng takot. Kaya sumigaw siya na ipatawag ang marurunong sa Babilonia: ang mga salamangkero, mga astrologo,[a] at mga manghuhula.

Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makabasa ng nakasulat na iyan at makapagpaliwanag ng kahulugan ay bibihisan ko ng maharlikang damit at pasusuotan ko ng gintong kwintas. At siyaʼy magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”

Lumapit ang mga marurunong upang basahin ang nakasulat sa pader. Pero hindi nila kayang basahin o maipaliwanag sa hari ang kahulugan nito. Kaya lalong natakot at namutla si Haring Belshazar. Litong-lito naman ang isip ng kanyang marangal na mga bisita.

10 Nang marinig ng reyna[b] ang kanilang pagkakagulo, lumapit siya sa kanila at sinabi, “Mabuhay ang Mahal na Hari! Huwag kang matakot o mag-alala, 11 dahil may isang tao sa iyong kaharian na nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios.[c] Noong panahon ng iyong amang si Haring Nebucadnezar, ang taong ito ay nagpamalas ng kanyang karunungan tulad sa karunungan ng mga dios. Ginawa siya ng iyong ama na pinuno ng mga salamangkero, engkantador, manghuhula, at mga astrologo. 12 Siya ay si Daniel na pinangalanan ng hari na Belteshazar. May pambihira siyang kakayahan at karunungan. Marunong siyang magbigay-kahulugan sa mga panaginip, magpaliwanag ng mga bugtong, at lumutas ng mahihirap na mga problema. Kaya ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa pader.”

1 Pedro 5:1-11

Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan

Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[a] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.

At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[b] Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo. Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo. Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas. Alalahanin ninyong hindi lang kayo ang naghihirap kundi pati ang mga kapatid nʼyo kay Cristo sa buong mundo. Nararanasan din nila ang mga paghihirap na ito. 10 Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo. 11 Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®