Revised Common Lectionary (Complementary)
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
17 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Isipin nʼyo kung ano ang mga nangyayari! Tawagin nʼyo ang mga babaeng tagaiyak, lalo na ang mga sanay sa pag-iyak. 18 Pagmadaliin silang pumunta para iyakan ang mga mamamayan ko hanggang sa dumaloy ang kanilang luha.[a] 19 Pakinggan ang mga pag-iyak sa Jerusalem.[b] Sinasabi ng mga tao, ‘Nawasak tayo! Nakakahiya ang nangyaring ito sa atin! Kailangang iwan na natin ang ating lupain dahil nawasak na ang ating mga tahanan!’ ”
20 Ngayon, kayong mga babae, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon. Pakinggan ninyo itong mabuti. Turuan ninyo ang inyong mga anak na babae at ang inyong kapwa na umiyak at managhoy. 21 Dumating ang kamatayan sa ating mga sambahayan at sa matitibay na bahagi ng ating lungsod. Pinatay ang mga bata na naglalaro sa mga lansangan at ang mga kabataang lalaki na nagkakatipon sa mga plasa. 22 At sinabi ng Panginoon, “Kakalat ang mga bangkay na parang mga dumi sa kabukiran, at parang mga butil na naiwan ng mga nag-aani, at wala nang kukuha sa mga ito. 23 Hindi dapat ipagmalaki ng marunong ang karunungan niya, o ng malakas ang kalakasan niya, o ng mayaman ang kayamanan niya. 24 Kung gusto ng sinuman na magmalaki, dapat lang niyang ipagmalaki na kilala niya ako at nauunawaan niyang ako ang Panginoong mapagmahal na gumagawa ng tama at matuwid dito sa mundo, dahil iyon ang kinalulugdan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25 “Darating ang araw na parurusahan ko ang lahat ng tinuli, na ang kanilang pamumuhay ay hindi nabago – 26 ang mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab, at ang lahat ng nakatira sa malalayong ilang.[c] Ang totoo, lahat ng bansang ito pati na ang mga mamamayan ng Israel ay parang hindi rin mga tinuli.”
Mga Bilin
10 Ngunit ikaw, Timoteo, alam mo lahat ang itinuturo mo, ang aking pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis. 11 Alam mo rin ang mga dinanas kong pag-uusig at paghihirap, katulad ng nangyari sa akin sa Antioc, Iconium at Lystra. Ngunit iniligtas ako ng Panginoon sa lahat ng mga iyon. 12 Ang totoo, lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Ang masasama at manlilinlang namaʼy lalo pang sasama at patuloy na manlilinlang. Maging sila mismoʼy malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutunan mo at pinanaligan, dahil alam mo kung kanino mo ito natutunan. 15 Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®