Revised Common Lectionary (Complementary)
22 At siya'y bumangon ng gabing yaon, at isinama niya ang kaniyang dalawang asawa, at ang kaniyang dalawang alilang babae, at ang kaniyang labing isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.
23 At sila'y kaniyang isinama at itinawid sa batis, at kaniyang itinawid ang kaniyang tinatangkilik.
24 At naiwang magisa si Jacob: at nakipagbuno ang isang lalake sa kaniya, hanggang sa magbukang liwayway.
25 At nang makita nitong siya'y hindi manaig sa kaniya ay hinipo ang kasukasuan ng hita niya; at ang kasukasuan ni Jacob ay sinaktan samantalang nakikipagbuno sa kaniya.
26 At sinabi, Bitawan mo ako, sapagka't nagbubukang liwayway na. At kaniyang sinabi, Hindi kita bibitawan hanggang hindi mo ako mabasbasan.
27 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang pangalan mo? At kaniyang sinabi, Jacob.
28 At sinabi niya, Hindi na tatawaging Jacob ang iyong pangalan, kundi Israel; sapagka't ikaw ay nakipagpunyagi sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nanaig.
29 At siya'y tinanong ni Jacob, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyong sabihin mo sa akin ang iyong pangalan. At kaniyang sinabi, Bakit nagtatanong ka ng aking pangalan? At siya'y binasbasan doon.
30 At tinawag ni Jacob ang pangalan ng dakong yaon na Peniel; sapagka't aniya'y nakita ko ang Dios ng mukhaan, at naligtas ang aking buhay.
31 At sinikatan siya ng araw ng siya'y nagdadaan sa Penuel; at siya'y napipilay sa hita niya.
121 Ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok; saan baga manggagaling ang aking saklolo?
2 Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.
3 Hindi niya titiising ang paa mo'y makilos: siyang nagiingat sa iyo, ay hindi iidlip.
4 Narito, siyang nagiingat ng Israel hindi iidlip ni matutulog man.
5 Ang Panginoon ay tagapagingat sa iyo: ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
6 Hindi ka sasaktan ng araw sa araw, ni ng buwan man sa gabi.
7 Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan; kaniyang iingatan ang iyong kaluluwa.
8 Iingatan ng Panginoon ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, mula sa panahong ito at sa magpakailan pa man.
14 Datapuwa't manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan;
15 At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.
16 Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:
17 Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.
4 Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, na siyang huhukom sa mga buhay at sa mga patay, sa pamamagitan ng kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian:
2 Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo.
3 Sapagka't darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi, pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita;
4 At ihihiwalay sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at mga ibabaling sa katha.
5 Nguni't ikaw ay magpigil sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gawin mo ang gawa ng evangelista, ganapin mo ang iyong ministerio.
18 At sinalita niya sa kanila ang isang talinghaga, na sila'y dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay;
2 Na sinasabi, May isang hukom sa isang bayan, na hindi natatakot sa Dios, at walang taong pinagpipitaganan:
3 At sa bayang yaon ay may isang babaing bao; at siya'y naparoroong madalas sa kaniya, na sinasabi, Iganti mo ako sa aking kaalit.
4 At may ilang panahon na siya'y tumatanggi: datapuwa't pagkatapos ay sinabi sa kaniyang sarili, Bagaman di ako natatakot sa Dios, at di nagpipitagan sa tao:
5 Gayon man, sapagka't nililigalig ako ng baong ito, ay igaganti ko siya, baka niya ako bagabagin ng kapaparito.
6 At sinabi ng Panginoon, Pakinggan ninyo ang sinabi ng likong hukom.
7 At hindi baga, igaganti ng Dios ang kaniyang mga hirang, na sumisigaw sa kaniya sa araw at gabi, at siya'y may pagpapahinuhod sa kanila?
8 Sinasabi ko sa inyo, na sila'y madaling igaganti niya. Gayon ma'y pagparito ng Anak ng tao, makakasumpong kaya siya ng pananampalataya sa lupa?
Public Domain