Revised Common Lectionary (Complementary)
61 Dinggin mo ang aking daing, Oh Dios; pakinggan mo ang aking dalangin.
2 Mula sa wakas ng lupa ay tatawag ako sa iyo, pagka nanglupaypay ang aking puso: patnubayan mo ako sa malaking bato na lalong mataas kay sa akin.
3 Sapagka't ikaw ay naging aking kanlungan, matibay na moog sa kaaway.
4 Ako'y tatahan sa iyong tabernakulo magpakailan man: ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak. (Selah)
5 Sapagka't dininig mo, Oh Dios, ang aking mga panata: ibinigay mo ang mana sa nangatatakot sa iyong pangalan.
6 Iyong pahahabain ang buhay ng hari: Ang kaniyang mga taon ay magiging parang malaong panahon.
7 Siya'y tatahan sa harap ng Dios magpakailan man: Oh maghanda ka ng kagandahang-loob at katotohanan, upang mapalagi siya.
8 Sa gayo'y aawit ako ng pagpuri sa iyong pangalan magpakailan man. Upang maisagawa ko araw-araw ang aking mga panata.
19 At sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay yumaong payapa. Sa gayo'y nilisan niya siya ng may aguwat na kaunti.
20 Nguni't si Giezi, na lingkod ni Eliseo na lalake ng Dios, ay nagsabi, Narito, pinalagpas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga Siria, sa di pagtanggap sa kaniyang mga kamay ng kaniyang dala; buhay ang Panginoon, tatakbuhin ko siya, at kukuha ako ng anoman sa kaniya.
21 Sa gayo'y sinundan ni Giezi si Naaman, at nang makita ni Naaman na isa'y humahabol sa kaniya, siya'y bumaba sa karo na sinalubong niya, at sinabi, Lahat ba'y mabuti?
22 At kaniyang sinabi, Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon, na sinabi, Narito, dumating sa akin ngayon mula sa lupaing maburol ng Ephraim ang dalawang binata sa mga anak ng mga propeta: isinasamo ko sa iyo na bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pangpalit na bihisan.
23 At sinabi ni Naaman, Matuwa ka, kunin mo ang dalawang talento. At ipinilit niya sa kaniya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, sangpu ng dalawang pangpalit na bihisan, at mga ipinasan sa dalawa sa kaniyang mga bataan; at dinala nila sa unahan niya.
24 At nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya sa kanilang kamay, at itinago niya sa bahay: at pinayaon niya ang mga lalake, at sila'y nagsiyaon.
25 Nguni't siya'y pumasok at tumayo sa harap ng kaniyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Saan ka nanggaling Giezi? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.
26 At kaniyang sinabi, Hindi ba sumasa iyo ang aking puso nang ang lalake ay bumalik mula sa kaniyang karo na sinasalubong ka? panahon ba ng pagtanggap ng salapi, at pagtanggap ng bihisan, at ng mga olibohan, at ng mga ubasan, at ng mga tupa, at ng mga baka, at ng mga aliping lalake at babae?
27 Ang ketong nga ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailan man. At siya'y umalis sa kaniyang harapan na may ketong na kasingputi ng niebe.
10 Sa katapustapusa'y magpakalakas kayo sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan.
11 Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo.
12 Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.
13 Dahil dito magsikuha kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal sa araw na masama, at kung magawa ang lahat, ay magsitibay.
14 Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katuwiran,
15 At ang inyong mga paa ay may panyapak na paghahanda ng evangelio ng kapayapaan;
16 Bukod dito ay taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat ng nangagniningas na suligi ng masama.
17 At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios:
18 Na magsipanalangin kayo sa Espiritu ng lahat ng panalangin at daing sa buong panahon, at mangagpuyat sa buong katiyagaan at daing na patungkol sa lahat ng mga banal,
19 At sa akin, upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubuka ng aking bibig, upang ipakilalang may katapangan ang hiwaga ng evangelio,
20 Na dahil dito ako'y isang sugong natatanikalaan; upang sa ganito ako'y magsalita na may katapangan gaya ng nararapat na aking salitain.
Public Domain