Revised Common Lectionary (Complementary)
5 Si Naaman nga, na punong kawal ng hukbo ng hari sa Siria, ay dakilang lalake sa kaniyang panginoon, at marangal, sapagka't sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria: siya rin nama'y malakas na lalake na may tapang, nguni't may ketong.
2 At ang mga taga Siria ay nagsilabas na mga pulupulutong, at nagdala ng bihag na mula sa lupain ng Israel na isang dalagita; at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.
3 At sinabi niya sa kaniyang babaing panginoon. Mano nawa ang aking panginoon ay humarap sa propeta na nasa Samaria! kung magkagayo'y pagagalingin niya siya sa kaniyang ketong.
7 At nangyari, nang mabasa ng hari sa Israel ang sulat, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot at nagsabi, Ako ba'y Dios upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ito sa kaniyang ketong? nguni't talastasin mo, isinasamo ko sa iyo, at tingnan mo kung paanong siya'y humahanap ng dahilan laban sa akin.
8 At nagkagayon, nang mabalitaan ni Eliseo na lalake ng Dios na hinapak ng hari sa Israel ang kaniyang suot, na siya'y nagsugo sa hari, na nagsabi: Bakit mo hinapak ang iyong mga kasuutan? paparituhin mo siya sa akin, at kaniyang malalaman na may isang propeta sa Israel.
9 Sa gayo'y naparoon si Naaman na dala ang kaniyang mga kabayo at ang kaniyang mga karo, at tumayo sa pintuan ng bahay ni Eliseo.
10 At si Eliseo ay nagsugo ng sugo sa kaniya, na nagsasabi, ikaw ay yumaon, at maligo sa Jordan na makapito, at ang iyong laman ay sasauli sa iyo, at ikaw ay magiging malinis.
11 Nguni't si Naaman ay naginit, at umalis, at nagsabi, Narito, aking inakalang, walang pagsalang lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Dios, at pagagalawgalawin ang kaniyang kamay sa kinaroroonan, at mapapawi ang ketong.
12 Hindi ba ang Abana at ang Pharphar, na mga ilog ng Damasco, ay mainam kay sa lahat ng tubig sa Israel? hindi ba ako makapaliligo sa mga yaon, at maging malinis? Sa gayo'y pumihit siya at umalis sa paginit.
13 At ang kaniyang mga lingkod ay nagsilapit, at nagsipagsalita sa kaniya, at nagsabi, Ama ko, kung ipinagawa sa iyo ng propeta ang anomang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? gaano nga kung sabihin niya sa iyo, Ikaw ay maligo, at maging malinis?
14 Nang magkagayo'y lumusong siya at sumugbong makapito sa Jordan, ayon sa sabi ng lalake ng Dios: at ang kaniyang laman ay nagsauling gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.
15 At siya'y bumalik sa lalake ng Dios, siya at ang buong pulutong niya, at naparoon, at tumayo sa harap niya: at siya'y nagsabi, Narito ngayon, aking talastas na walang Dios sa buong lupa, kundi sa Israel: isinasamo ko ngayon sa iyo na tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.
111 Purihin ninyo ang Panginoon. Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso, sa kapulungan ng matuwid, at sa kapisanan.
2 Ang mga gawa ng Panginoon ay dakila, siyasat ng lahat na nagtatamo ng kaligayahan diyan.
3 Ang kaniyang gawa ay karangalan at kamahalan: at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
4 Kaniyang ginawa ang kaniyang mga kababalaghang gawa upang alalahanin: ang Panginoon ay mapagbiyaya at puspos ng kahabagan.
5 Siya'y nagbigay ng pagkain sa nangatatakot sa kaniya: kaniyang aalalahaning lagi ang kaniyang tipan.
6 Kaniyang ipinakilala sa kaniyang bayan ang kapangyarihan ng kaniyang mga gawa, sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay katotohanan at kahatulan: lahat niyang mga tuntunin ay tunay.
8 Nangatatatag magpakailan-kailan man, mga yari sa katotohanan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kaniyang bayan; kaniyang iniutos ang kaniyang tipan magpakailan man: banal at kagalanggalang ang kaniyang pangalan.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan; may mabuting pagkaunawa ang lahat na nagsisisunod ng kaniyang mga utos. Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailan man.
8 Alalahanin mo si Jesucristo na muling nabuhay sa mga patay, sa binhi ni David, ayon sa aking evangelio:
9 Na siyang pinagtitiisan ko ng kahirapan sa mga tanikala, na tulad sa tampalasan; nguni't ang salita ng Dios ay hindi natatanikalaan.
10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan naman nila ang pagkaligtas na nasa kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.
11 Tapat ang pasabi: Sapagka't kung tayo'y nangamatay na kalakip niya, ay mangabubuhay naman tayong kasama niya:
12 Kung tayo'y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo:
13 Kung tayo'y hindi mga tapat, siya'y nananatiling tapat; sapagka't hindi makapagkakaila sa kaniyang sarili.
14 Ipaalaala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan sa paningin ng Panginoon, na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salitaan na hindi mapapakinabangan, sa ikapapahamak ng mga nakikinig.
15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan.
11 At nangyari, na samantalang sila'y napapatungo sa Jerusalem, na siya'y nagdaraan sa mga hangganan ng Samaria at Galilea.
12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, ay sinalubong siya ng sangpung lalaking ketongin, na nagsitigil sa malayo:
13 At sila'y nagsisigaw na nagsisipagsabi, Jesus, Guro, maawa ka sa amin.
14 At pagkakita niya sa kanila, ay sinabi niya sa kanila, Magsihayo kayo at kayo'y pakita sa mga saserdote. At nangyari, na samantalang sila'y nagsisiparoon, ay nangalinis sila.
15 At isa sa kanila, nang makita niyang siya'y gumaling, ay nagbalik, na niluluwalhati ang Dios ng malakas na tinig;
16 At siya'y nagpatirapa sa kaniyang paanan, na nagpapasalamat sa kaniya: at siya'y isang Samaritano.
17 At pagsagot ni Jesus ay nagsabi, Hindi baga sangpu ang nagsilinis? datapuwa't saan nangaroon ang siyam?
18 Walang nagbalik upang lumuwalhati sa Dios, kundi itong taga ibang lupa?
19 At sinabi niya sa kaniya, Magtindig ka, at yumaon ka sa iyong lakad: pinagaling ka ng iyong pananampalataya.
Public Domain