Revised Common Lectionary (Complementary)
111 Purihin ninyo ang Panginoon. Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso, sa kapulungan ng matuwid, at sa kapisanan.
2 Ang mga gawa ng Panginoon ay dakila, siyasat ng lahat na nagtatamo ng kaligayahan diyan.
3 Ang kaniyang gawa ay karangalan at kamahalan: at ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
4 Kaniyang ginawa ang kaniyang mga kababalaghang gawa upang alalahanin: ang Panginoon ay mapagbiyaya at puspos ng kahabagan.
5 Siya'y nagbigay ng pagkain sa nangatatakot sa kaniya: kaniyang aalalahaning lagi ang kaniyang tipan.
6 Kaniyang ipinakilala sa kaniyang bayan ang kapangyarihan ng kaniyang mga gawa, sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
7 Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay katotohanan at kahatulan: lahat niyang mga tuntunin ay tunay.
8 Nangatatatag magpakailan-kailan man, mga yari sa katotohanan at katuwiran.
9 Siya'y nagsugo ng katubusan sa kaniyang bayan; kaniyang iniutos ang kaniyang tipan magpakailan man: banal at kagalanggalang ang kaniyang pangalan.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan; may mabuting pagkaunawa ang lahat na nagsisisunod ng kaniyang mga utos. Ang kaniyang kapurihan ay nananatili magpakailan man.
33 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
34 Pagka kayo'y nakapasok na sa lupain ng Canaan, na ibibigay kong pag-aari sa inyo, at ako'y naglagay ng salot na ketong sa alin mang bahay sa lupain ninyong inaari;
35 Ay yayaon ang may-ari ng bahay at magbibigay alam sa saserdote, na sasabihin, Tila mandin mayroong parang salot sa bahay:
36 At ipaguutos ng saserdote na alisan ng laman ang bahay bago pumasok ang saserdote na kilalanin ang tila salot, upang ang lahat na nasa bahay ay huwag mahawa: at pagkatapos ay papasok ang saserdote upang tingnan ang bahay:
37 At titingnan ang salot, at kung makita ngang ang tila salot ay nasa mga panig ng bahay na may ukit na namemerde, o namumula at tila malalim kaysa panig;
38 Ay lalabas nga ang saserdote sa bahay hanggang sa pintuan ng bahay at ipasasara ang bahay na pitong araw:
39 At babalik ang saserdote sa ikapitong araw, at titingnan: at, narito, kung makita ngang kumalat ang salot sa mga panig ng bahay;
40 Ay ipaguutos nga ng saserdote na bunutin ang mga batong kinaroonan ng tila salot at ipatatapon sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal:
41 At ipakakayas ang palibot ng loob ng bahay, at ang argamasang inalis na kinayas ay itatapon sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal:
42 At magsisikuha ng ibang mga bato, at ihahalili sa mga batong yaon, at magsisikuha ng ibang argamasa at siyang ihahaplos sa mga panig ng bahay.
43 At kung muling bumalik ang tila salot, at sumibol sa bahay, pagkatapos na mabunot ang mga bato; at pagkatapos makayas ang bahay, at pagkatapos na mahaplusan ng argamasa;
44 Ay papasok nga ang saserdote at titingnan, at, narito, kung makita ngang ang salot ay kumalat sa bahay ay ketong na nakakahawa sa bahay; ito'y karumaldumal.
45 At gigibain niya ang bahay na yaon, ang mga bato at ang mga kahoy, at ang lahat ng argamasa ng bahay; ay dadalhin sa labas ng bayan sa dakong karumaldumal.
46 Bukod dito'y ang pumasok sa bahay na yaon ng buong panahong nasasara ay magiging karumaldumal hanggang sa hapon.
47 At ang mahiga sa bahay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga suot; at ang kumain sa bahay na yaon ay maglalaba ng kaniyang mga suot.
48 At kung papasok ang saserdote, at, narito, kung hindi nga kumalat ang salot sa bahay, pagkatapos na nahaplusan ng argamasa; ay ipakikilala nga ng saserdote na malinis ang bahay, sapagka't gumaling sa salot.
49 At upang linisin ang bahay ay kukuha ng dalawang ibon, at ng kahoy na cedro, at ng grana, at ng hisopo:
50 At papatayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos:
51 At kukunin niya ang kahoy na cedro, at ang hisopo, at ang grana, at ang ibong buhay, at babasain sa dugo ng ibong pinatay, at sa tubig na umaagos, at wiwisikang makapito ang bahay:
52 At kaniyang lilinisin ng dugo ng ibon ang bahay at ng agos ng tubig, at ng ibong buhay at ng kahoy na cedro, at ng hisopo, at ng grana:
53 Datapuwa't pawawalan ang ibong buhay sa labas ng bayan, sa kalawakan ng parang: gayon tutubusin ang bahay: at magiging malinis.
13 Ingatan mo ang mga ulirang mga salitang magagaling na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pagibig na nasa kay Cristo Jesus.
14 Yaong mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo ay ingatan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nananahan sa atin.
15 Ito'y nalalaman mo, na nagsihiwalay sa akin ang lahat ng nangasa Asia; na sa mga yaon ay si Figello at si Hermogenes.
16 Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sangbahayan ni Onesiforo: sapagka't madalas niya akong pinaginhawa, at hindi ikinahiya ang aking tanikala;
17 Kundi, nang siya'y nasa Roma, ay hinanap niya ako ng buong sikap, at ako'y nasumpungan niya.
18 (Pagkalooban nawa siya ng Panginoon na masumpungan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na yaon); at totoong alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.
Public Domain