Revised Common Lectionary (Complementary)
37 Huwag kang mabalisa dahil sa mga manggagawa ng kasamaan, ni managhili ka man sa kanila na nagsisigawa ng kalikuan.
2 Sapagka't sila'y madaling puputuling gaya ng damo, at matutuyong gaya ng sariwang damo.
3 Tumiwala ka sa Panginoon, at gumawa ka ng mabuti; tumahan ka sa lupain, at gawin mong kumain sa kaniyang pagkatapat.
4 Magpakaligaya ka naman sa Panginoon; at bibigyan ka niya ng nasa ng iyong puso.
5 Ihabilin mo ang iyong lakad sa Panginoon; tumiwala ka rin naman sa kaniya, at kaniyang papangyayarihin.
6 At kaniyang palalabasing gaya ng liwanag ang iyong katuwiran, at ang iyong kahatulan ay gaya ng katanghaliang tapat.
7 Ikaw ay magpahinga sa Panginoon, at maghintay kang may pagtitiis sa kaniya: huwag kang mabalisa ng dahil sa kaniya na gumiginhawa sa kaniyang lakad, dahil sa lalake na nagpapangyari ng mga masamang katha.
8 Maglikat ka ng pagkagalit, at bayaan mo ang poot: huwag kang mabalisa, iya'y maghahatid lamang sa paggawa ng kasamaan.
9 Sapagka't ang mga manggagawa ng kasamaan ay mangahihiwalay: nguni't yaong nagsipaghintay sa Panginoon, ay mangagmamana sila ng lupain.
8 Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis.
9 At ng kaniyang marinig na sabihin ang tungkol kay Thiraca na hari sa Ethiopia, Narito, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo, siya'y nagsugo ng mga sugo uli kay Ezechias, na sinasabi,
10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang dayain ng Dios na iyong tinitiwalaan na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mabibigay sa kamay ng hari sa Asiria.
11 Narito, nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, sa paglipol na lubos sa kanila: at maliligtas ka ba?
12 Iniligtas ba sila ng mga dios ng mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, at ng Haran, at ng Reseph, at ng mga anak ni Eden na nangasa Thalasar?
13 Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari sa bayan ng Sepharvaim, ng Hena, at ng Hiva?
14 At tinanggap ni Ezechias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa; at pumanhik si Ezechias sa bahay ng Panginoon, at iniladlad sa harap ng Panginoon.
15 At si Ezechias ay dumalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na nauupo sa mga querubin, ikaw ang Dios, ikaw lamang sa lahat ng kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.
16 Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at iyong dinggin; idilat mo ang iyong mga mata, Oh Panginoon, at tumingin ka: at dinggin mo ang mga salita ni Sennacherib, na kaniyang ipinasugo upang ipanungayaw sa buhay na Dios.
17 Sa katotohanan, Panginoon, sinira ng mga hari sa Asiria ang mga bansa, at ang kanilang mga lupain,
18 At inihagis ang kanilang mga dios sa apoy: sapagka't sila'y hindi mga dios, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, na kahoy at bato; kaya't kanilang nilipol ang mga yaon.
19 Ngayon nga, Oh Panginoon naming Dios, iligtas mo kami, isinasamo ko sa iyo sa kaniyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa na ikaw ang Panginoong Dios, ikaw lamang.
20 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria, dininig kita.
35 At nangyari, nang gabing yaon, na ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria ng isang daan at walong pu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.
36 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon, at bumalik, at tumahan sa Ninive.
37 At nangyari, nang siya'y sumamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adramelech, at ni Saresar: at sila'y nagsitanan na patungo sa lupain ng Ararat. At si Esar-hadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
12 At sa anghel ng iglesia sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim:
13 Nalalaman ko kung saan ka tumatahan, sa makatuwid baga'y sa kinaroroonan ng luklukan ni Satanas; at iniingatan mong matibay ang aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang aking pananampalataya, kahit nang mga araw man ni Antipas na aking saksi, aking taong tapat, na pinatay sa gitna ninyo, na tinatahanan ni Satanas.
14 Datapuwa't mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo, sapagka't mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balac na maglagay ng katisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang magsikain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan, at makiapid.
15 Gayon din naman na mayroon kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita.
16 Magsisi ka nga; o kung hindi ay madaling paririyan ako sa iyo, at babakahin ko sila ng tabak ng aking bibig.
17 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng manang natatago, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi yaong tumatanggap.
18 At sa anghel ng iglesia sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Dios, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng tansong binuli:
19 Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagibig, at pananampalataya at ministerio at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kay sa mga una.
20 Datapuwa't mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na nagpapanggap na propetisa; at siya'y nagtuturo at humihikayat sa aking mga lingkod upang makiapid, at kumain ng mga bagay na inihahain sa mga diosdiosan.
21 At binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; at siya'y ayaw magsisi sa kaniyang pakikiapid.
22 Narito, akin siyang iniraratay sa higaan, at ang mga nakikiapid sa kaniya sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisipagsisi sa kaniyang mga gawa.
23 At papatayin ko ng salot ang kaniyang mga anak; at malalaman ng lahat ng mga iglesia na ako'y yaong sumasaliksik ng mga pagiisip at ng mga puso: at bibigyan ko ang bawa't isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa.
24 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa lahat ng walang aral na ito, na hindi nakakaalam ng malalalim na bagay ni Satanas, gaya ng sinasabi nila; hindi na ako magpapasan sa inyo ng ibang pasan.
25 Gayon ma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y pumariyan.
26 At ang magtagumpay, at tumupad ng aking mga gawa hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa mga bansa:
27 At sila'y paghaharian niya sa pamamagitan ng isang panghampas na bakal, gaya ng pagkadurog ng mga sisidlang lupa ng magpapalyok; gaya naman ng tinanggap ko sa aking Ama:
28 At sa kaniya'y ibibigay ko ang tala sa umaga.
29 Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia.
Public Domain