Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 62

62 Sa Dios lamang naghihintay ng tahimik ang aking kaluluwa: sa kaniya galing ang aking kaligtasan.

Siya lamang ang aking kanlungan at aking kaligtasan: siya ang aking matayog na moog; hindi ako lubhang makikilos.

Hanggang kailan maghahaka kayo ng masama laban sa isang tao. Upang patayin siya ninyong lahat, na gaya ng pader na tumagilid, o bakod na nabubuwal?

Sila'y nagsisisangguni lamang upang ibagsak siya sa kaniyang karilagan; sila'y natutuwa sa mga kasinungalingan: sila'y nagsisibasbas ng kanilang bibig, nguni't nanganunumpa sa loob. (Selah)

Kaluluwa ko, maghintay kang tahimik sa Dios lamang; sapagka't ang aking pagasa ay mula sa kaniya.

Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan: siya'y aking matayog na moog; hindi ako makikilos.

Nasa Dios ang aking kaligtasan at aking kaluwalhatian; ang malaking bato ng aking kalakasan, at ang kanlungan ko'y nasa Dios.

Magsitiwala kayo sa kaniya buong panahon, kayong mga bayan; buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya; Dios ay kanlungan sa atin. (Selah)

Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan, at ang mga taong may mataas na kalagayan ay kabulaanan: sa mga timbangan ay sasampa sila; silang magkakasama ay lalong magaan kay sa walang kabuluhan.

10 Huwag kang tumiwala sa kapighatian, at huwag maging walang kabuluhan sa pagnanakaw: kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong paglalagakan ng inyong puso.

11 Ang Dios ay nagsalitang minsan, makalawang aking narinig ito; na ang kapangyarihan ay ukol sa Dios:

12 Sa iyo naman, Oh Panginoon, ukol ang kagandahang-loob: sapagka't ikaw ay nagbabayad sa bawa't tao ayon sa kaniyang gawa.

Hosea 12:2-14

Ang Panginoon ay may pakikipagkaalit din sa Juda, at parurusahan niya ang Jacob ayon sa kaniyang mga lakad; ayon sa kaniyang mga gawa ay gagantihan niya siya.

Sa bahay-bata ay kaniyang hinawakan sa sakong ang kaniyang kapatid; at sa kaniyang kabinataan ay nagtaglay ng kapangyarihan ng Dios:

Oo, siya'y nagtaglay ng kapangyarihan sa anghel, at nanaig: siya'y tumangis, at namanhik sa kaniya: nasumpungan niya siya sa Beth-el, at doo'y nakipagsalitaan siya sa atin.

Sa makatuwid baga'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo; ang Panginoon ay kaniyang alaala.

Kaya't magbalik-loob ka sa iyong Dios magingat ka ng kaawaan at ng kahatulan, at hintayin mong lagi ang iyong Dios.

Mangangalakal siya na may timbangang magdaraya sa kaniyang kamay: maibigin ng pagpighati.

At sinabi ng Ephraim, Tunay na ako'y naging mayaman, ako'y nakasumpong ng kayamanan; sa lahat ng aking gawin, walang masusumpungan sila sa akin na kasamaan,

Nguni't ako ang Panginoon mong Dios mula sa lupain ng Egipto, akin pa kitang patatahanin uli sa mga tolda, gaya sa mga kaarawan ng takdang kapistahan.

10 Ako rin naman ay nagsalita sa mga propeta, at ako'y nagparami ng mga pangitain; at sa pangangasiwa ng mga propeta ay gumamit ako ng mga talinhaga.

11 Ang Galaad baga'y kasamaan? sila'y pawang walang kabuluhan; sa Gilgal ay nangaghahain sila ng mga toro; oo, ang kanilang dambana ay parang mga bunton sa mga bungkal ng bukid.

12 At si Jacob ay tumakas na napatungo sa parang ng Aram, at naglingkod si Israel dahil sa isang asawa, at dahil sa isang asawa ay nagalaga ng mga tupa.

13 At sa pamamagitan ng isang propeta ay isinampa ng Panginoon ang Israel mula sa Egipto, at sa pamamagitan ng isang propeta, siya'y naingatan.

14 Ang Ephraim ay namungkahi ng di kawasang galit: kaya't ang kaniyang dugo ay maiiwan sa kaniya, at ibabalik ng kaniyang Panginoon sa kaniya ang kakutyaan sa kaniya.

Mateo 19:16-22

16 At narito, lumapit sa kaniya ang isa, at nagsabi, Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan?

17 At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos.

18 Sinabi niya sa kaniya, Alin-alin? At sinabi ni Jesus, Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan,

19 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

20 Sinabi sa kaniya ng binata, Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin?

21 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.

22 Datapuwa't nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pag-aari.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain