Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 1

Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.

Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.

At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.

Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.

Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.

Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak.

Deuteronomio 29:2-20

At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Inyong nakita yaong lahat na ginawa ng Panginoon sa harap ng inyong mga mata sa lupain ng Egipto, kay Faraon at sa lahat ng kaniyang lingkod at kaniyang buong lupain;

Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, at yaong mga dakilang kababalaghan:

Nguni't hindi kayo binigyan ng Panginoon ng pusong ikakikilala at ng mga matang ikakikita, at ng mga pakinig na ikaririnig, hanggang sa araw na ito.

At aking pinatnubayan kayong apat na pung taon sa ilang: ang inyong mga damit ay hindi naluma sa inyo, at ang iyong panyapak ay hindi naluma sa iyong paa.

Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing: upang inyong makilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.

At nang kayo'y dumating sa dakong ito, ay lumabas si Sehon na hari sa Hesbon at si Og na hari sa Basan, laban sa atin sa pakikibaka, at ating sinugatan sila;

At ating sinakop ang kanilang lupain at ating ibinigay na pinaka mana sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.

Ganapin nga ninyo ang mga salita ng tipang ito, at inyong gawin, upang kayo'y guminhawa sa lahat ng inyong ginagawa.

10 Kayo'y tumatayong lahat sa araw na ito, sa harap ng Panginoon ninyong Dios; ang inyong mga pangulo, ang inyong mga lipi, ang inyong mga matanda, at ang inyong mga puno, sa makatuwid baga'y lahat ng mga lalake sa Israel,

11 Ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang iyong taga ibang lupa na nasa gitna ng iyong mga kampamento mula sa iyong mangangahoy hanggang sa iyong mananalok:

12 Upang ikaw ay pumasok sa tipan ng Panginoon mong Dios, at sa kaniyang sumpa na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Dios sa araw na ito:

13 Upang kaniyang itatag ka sa araw na ito na isang bayan, at upang siya'y maging iyong Dios, na gaya ng kaniyang sinalita sa iyo, at gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob.

14 At hindi lamang sa inyo ginagawa ko ang tipang ito at ang sumpang ito;

15 Kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, at gayon din sa hindi natin kasama sa araw na ito:

16 (Sapagka't talastas ninyo kung paanong tumahan tayo sa lupain ng Egipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;

17 At inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal, at ang kanilang mga idolo, na kahoy at bato, pilak at ginto na nasa gitna nila:)

18 Baka magkaroon sa gitna ninyo ng lalake, o babae, o angkan, o lipi, na ang puso'y humiwalay sa araw na ito, sa Panginoon nating Dios, na yumaong maglingkod sa mga dios ng mga bansang yaon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nagbubunga ng nakakalason at ng ajenjo;

19 At mangyari, na pagka kaniyang narinig ang mga salita ng sumpang ito, na kaniyang basbasan ang kaniyang sarili sa kaniyang puso, na magsabi, Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso upang ilakip ang paglalasing sa kauhawan:

20 Ay hindi siya patatawarin ng Panginoon, kundi ang galit nga ng Panginoon at ang kaniyang paninibugho ay maguusok laban sa taong yaon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay hihilig sa kaniya, at papawiin ng Panginoon ang kaniyang pangalan sa silong ng langit.

Mateo 10:34-42

34 Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak.

35 Sapagka't ako'y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyanang babae:

36 At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay.

37 Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.

38 At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin.

39 Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.

40 Ang tumatanggap sa inyo ay ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.

41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng ganti ng isang propeta: at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng ganti ng isang taong matuwid.

42 At sinomang magpainom sa isa sa maliliit na ito ng kahit isang sarong tubig na malamig, dahil sa pangalang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo na hindi mawawala ang ganti sa kaniya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain