Revised Common Lectionary (Complementary)
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
69 Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan.
71 Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak.
14 At kaniyang sasabihin, inyong patagin, inyong patagin, inyong ihanda ang lansangan, inyong alisin ang katitisuran sa lansangan ng aking bayan.
15 Sapagka't ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi.
16 Sapagka't hindi ako makikipagtalo magpakailan man, o mapopoot man akong lagi; sapagka't ang diwa ay manglulupaypay sa harap ko, at ang mga kaluluwa na aking ginawa.
17 Dahil sa kasamaan ng kaniyang kasakiman ay napoot ako, at sinaktan ko siya; aking ikinubli ang aking mukha at ako'y napoot; at siya'y yumaong nanghimagsik ng lakad ng kaniyang puso.
18 Aking nakita ang kaniyang mga lakad, at pagagalingin ko siya; akin ding papatnubayan siya, at bibigyan ko ng mga kaaliwan siya, at ang kaniyang nangananangis.
19 Aking nililikha ang bunga ng mga labi: Kapayapaan, kapayapaan, sa kaniya na malayo at sa kaniya na malapit, sabi ng Panginoon; at aking pagagalingin siya.
20 Nguni't ang masama ay parang maunos na dagat; sapagka't hindi maaring humusay, at ang kaniyang tubig ay umaalimbukay ng burak at dumi.
21 Walang kapayapaan, sabi ng aking Dios, sa mga masama.
15 At nang marinig ito ng isa sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay sinabi sa kaniya, Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Dios.
16 Datapuwa't sinabi niya sa kaniya, May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan:
17 At sa panahon ng paghapon ay sinugo niya ang kaniyang alipin, upang sabihin sa mga inanyayahan, Magsiparito kayo; sapagka't ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na.
18 At silang lahat na parang iisa ay nangagpasimulang nangagdahilan. Sa kaniya'y sinabi ng una, Bumili ako ng isang bukid, at kailangan akong umalis at tingnan; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.
19 At sinabi ng iba, Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalake, at paroroon ako upang sila'y subukin; ipinamamanhik ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.
20 At sinabi ng iba, Bago akong kasal, at kaya nga hindi ako makaparoroon.
21 At dumating ang alipin, at isinaysay ang mga bagay na ito sa kaniyang panginoon. Nang magkagayon, sa galit ng puno ng sangbahayan ay sinabi sa kaniyang alipin, Pumaroon kang madali sa mga lansangan at sa mga daang makikipot ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, at ang mga pingkaw, at ang mga bulag, at ang mga pilay.
22 At sinabi ng alipin, panginoon, nagawa na ang ipinagutos mo, at gayon ma'y maluwag pa.
23 At sinabi ng panginoon sa alipin, Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang aking bahay.
24 Sapagka't sinasabi ko sa inyo na alin man sa mga taong inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking hapunan.
Public Domain