Revised Common Lectionary (Complementary)
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
69 Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan.
71 Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak.
12 At nangyari, nang matatag ang kaharian ni Roboam at siya'y malakas, na kaniyang iniwan ang kautusan ng Panginoon, at ang buong Israel ay kasama niya.
2 At nangyari nang ikalimang taon ng haring Roboam, na si Sisac na hari sa Egipto ay umahon laban sa Jerusalem, sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa Panginoon,
3 Na may isang libo at dalawang daang karo, at anim na pung libong mangangabayo. At ang bayan ay walang bilang na naparoong kasama niya mula sa Egipto; ang mga Lubim, ang mga Sukim, at ang mga taga Etiopia.
4 At sinupok niya ang mga bayang nakukutaan na nauukol sa Juda, at naparoon sa Jerusalem.
5 Si Semeias nga na propeta ay naparoon kay Roboam, at sa mga prinsipe ng Juda, na pagpipisan sa Jerusalem dahil kay Sisac, at nagsabi sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Inyo akong pinabayaan, kaya't iniwan ko naman kayo sa kamay ni Sisac.
6 Nang magkagayo'y ang mga prinsipe ng Israel at ang hari ay nagpakababa; at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay matuwid.
7 At nang makita ng Panginoon na sila'y nangagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Semeias, na sinasabi, Sila'y nangagpakumbaba; hindi ko gigibain sila: kundi aking bibigyan sila ng kaunting pagliligtas, at ang aking galit ay hindi mabubugso sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Sisac.
8 Gayon ma'y sila'y magiging kaniyang alipin; upang kanilang makilala ang paglilingkod sa akin, at ang paglilingkod sa mga kaharian ng mga lupain.
9 Sa gayo'y umahon si Sisac na hari sa Egipto laban sa Jerusalem, at dinala ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at mga kayamanan ng bahay ng hari; kaniyang kinuhang lahat: kaniyang kinuha pati ng mga kalasag na ginto na ginawa ni Salomon.
10 At ang haring Roboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga yaon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga punong kawal ng bantay, na nagsisipagingat ng pintuan ng bahay ng hari.
11 At nangyari, na kung gaanong kadalas pumapasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ang bantay ay naparoroon at dinadala ang mga yaon, at ibinabalik sa silid ng bantay.
12 At nang siya'y magpakumbaba, ang galit ng Panginoon ay nahiwalay sa kaniya, na anopa't siya'y hindi lubos na pinatay: at bukod dito'y may nasumpungan sa Juda na mga mabuting bagay.
7 Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.
8 Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man.
9 Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala: sapagka't mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga nagabala sa kanila.
10 Tayo ay may isang dambana, na hindi matuwid kainan ng mga nagsisipaglingkod sa tabernakulo.
11 Sapagka't ang mga katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng dakilang saserdote sa dakong banal na handog na patungkol sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampamento.
12 Kaya naman si Jesus, upang mapaging banal sa pamamagitan ng kanilang sariling dugo ang bayan, ay nagbata sa labas ng pintuan.
13 Atin nga siyang labasin sa labas ng kampamento na dalhin natin ang kaniyang pagkadusta.
14 Sapagka't dito'y wala tayong bayan na namamalagi, nguni't hinahanap natin ang bayan na darating.
15 Sa pamamagitan nga niya ay maghandog tayong palagi ng hain ng pagpupuri sa Dios, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan.
16 Datapuwa't ang paggawa ng mabuti at ang pagabuloy ay huwag ninyong kalimutan: sapagka't sa mga gayong hain ang Dios ay totoong nalulugod.
17 Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo'y pasakop sa kanila: sapagka't pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito'y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka't sa ganito'y di ninyo mapapakinabangan.
18 Idalangin ninyo kami: sapagka't kami'y naniniwalang lubos na kami ay may mabuting budhi, na nagnanasang mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.
19 At iniaaral ko sa inyong malabis na inyong gawin ito, upang ako'y masauli na lalong madali sa inyo.
20 Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga'y ang Panginoon nating si Jesus,
21 Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa't mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.
Public Domain