Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Error: 'Ecclesiastico 10:12-18' not found for the version: Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Kawikaan 25:6-7

Kung nasa harapan ka ng hari, huwag mong ibilang ang iyong sarili na parang kung sino ka o ihanay ang iyong sarili sa mararangal na tao.
Mas mabuti kung tawagin ka ng hari at paupuin sa hanay ng mararangal kaysa sabihin niyang umalis ka riyan at mapahiya ka sa kanilang harapan.

Salmo 112

Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
    dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
Yayaman ang kanyang sambahayan,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
    at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
    at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
    at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
Hindi siya matatakot sa masamang balita,
    dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
Hindi siya matatakot o maguguluhan,
    dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
Nagbibigay siya sa mga dukha,
    at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
    Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
    Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.

Hebreo 13:1-8

Ang Paglilingkod na Nakalulugod sa Dios

13 Magpatuloy kayo sa pag-iibigan bilang magkakapatid kay Cristo. Huwag ninyong kalimutang patuluyin ang mga dayuhan sa tahanan ninyo. May mga taong gumawa niyan noon, at hindi nila alam na mga anghel na pala ang mga bisita nila. Damayan ninyo ang mga kapatid na nasa bilangguan na parang nakabilanggo rin kayong kasama nila, at damayan din ninyo ang mga kapatid na pinagmamalupitan na para bang dumaranas din kayo ng ganoon.

Dapat ninyong pahalagahan ang pag-aasawa, at dapat ninyong iwasan ang pangangalunya. Sapagkat hahatulan ng Dios ang mga nangangalunya at ang mga imoral.

Iwasan nʼyo ang pagiging sakim sa salapi. Maging kontento kayo sa anumang nasa inyo, sapagkat sinabi ng Dios, “Hinding-hindi ko kayo iiwan o pababayaan man.”[a] Kaya buong pagtitiwalang masasabi natin,

    “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao laban sa akin?”[b]

Alalahanin nʼyo ang mga dating namuno sa inyo na nagbahagi sa inyo ng salita ng Dios. Isipin nʼyo kung paano silang namuhay at namatay na may pananampalataya. Sila ang tularan ninyo. Si Jesu-Cristo ay hindi nagbabago. Kung ano siya noon, ganoon din siya ngayon at magpakailanman.

Hebreo 13:15-16

15 Kaya patuloy tayong maghandog ng papuri sa Dios sa pamamagitan ni Jesus. Itoʼy ang mga handog na nagmumula sa mga labi natin at nagpapahayag ng pagkilala natin sa kanya. 16 At huwag nating kalimutan ang paggawa ng mabuti at pagtulong sa iba, dahil ang ganitong uri ng handog ay kalugod-lugod sa Dios.

Lucas 14:1

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Minamanas

14 Isang Araw ng Pamamahinga, inanyayahan si Jesus na kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Minamanmanan siyang mabuti ng mga taong kumokontra sa kanya.

Lucas 14:7-14

Matutong Magpakababa

Napansin ni Jesus na ang mga bisita sa handaan ay nag-uunahan sa mga upuang pandangal, kaya pinangaralan niya ang mga ito, “Kapag inimbita ka sa isang kasalan, huwag mong pipiliin ang upuang pandangal, dahil baka may inimbitang mas marangal pa kaysa sa iyo. At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ Kaya mapapahiya ka at uupo na lang sa upuan ng mga karaniwang tao. 10 Ang dapat mong gawin kapag naimbitahan ka ay piliin ang upuan para sa mga karaniwang tao, para pagdating ng nag-imbita sa iyo, sasabihin niya, ‘Kaibigan, doon ka maupo sa upuang pandangal.’ Sa ganoon ay mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng panauhin. 11 Sapagkat ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.” 12 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa nag-imbita sa kanya, “Kung maghahanda ka, huwag lang ang mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, at mayayamang kapitbahay ang imbitahin mo, dahil baka imbitahin ka rin nila, at sa ganooʼy nasuklian ka na sa ginawa mo. 13 Kaya kung maghahanda ka, imbitahin mo rin ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. 14 Sa ganoon ay pagpapalain ka, dahil kahit hindi ka nila masusuklian, ang Dios ang magsusukli sa iyo sa araw ng muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®