Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Paghahayag ng Kasalanan at Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
32 Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon.
2 Mapalad ang tao na ang kasalanan ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon,
at walang pandaraya sa kanyang puso.
3 Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan,
buong araw akoʼy nanlulumo at nanghihina ang aking katawan.
4 Araw-gabi, hirap na hirap ako
dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin.[a]
Nawalan na ako ng lakas,
tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw.
5 Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo;
hindi ko na ito itinago pa.
Sinabi ko nga sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.”
At pinatawad nʼyo ako.
6 Kaya manalangin sana ang lahat ng matapat sa inyo,
habang may panahon pa.
Kung dumating man ang kapighatian na parang baha,
hindi sila mapapahamak.
7 Kayo ang aking kublihan;
iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan,
at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan.
8 Sinabi ng Panginoon sa akin,
“Ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita habang binabantayan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo o mola na walang pang-unawa,
na kailangan pang rendahan upang mapasunod.”
10 Maraming hirap ang mararanasan ng taong masama,
ngunit mamahalin ng Panginoon ang sa kanya ay nagtitiwala.
11 Kayong mga matuwid, magalak kayo at magsaya sa Panginoon.
Kayong mga namumuhay ng tama,
sumigaw kayo sa galak!
30 “Jeremias, sabihin mo sa kanila ang lahat ng sinabi ko, at sabihin mo pa, ‘Sisigaw ang Panginoon mula sa langit; dadagundong ang tinig niya mula sa banal niyang tahanan. Sisigaw siya nang malakas sa mga hinirang niya. Sisigaw din siya sa lahat ng naninirahan sa daigdig na parang taong sumisigaw habang nagpipisa ng ubas. 31 Maririnig ang tinig niya sa buong daigdig,[a] dahil ihahabla niya ang mga bansa. Hahatulan niya ang lahat, at ipapapatay niya sa digmaan ang masasama.’ Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
32 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Mag-ingat kayo! Ang kapahamakan ay darating sa ibaʼt ibang bansa na parang malakas na bagyo mula sa pinakamalayong bahagi ng mundo.”
33 Sa araw na iyon, maraming papatayin ang Panginoon at ang mga bangkay ay kakalat kahit saan sa buong daigdig. Wala ng magluluksa, magtitipon at maglilibing sa kanila. Pababayaan na lang sila na parang dumi lang sa ibabaw ng lupa.
34 Kayong mga pinuno, umiyak kayo nang malakas, at gumulong kayo sa lupa dahil sa kalungkutan. Sapagkat dumating na ang araw na papatayin kayo katulad ng pagkatay ng tupa. Madudurog kayo na parang mamahaling palayok na nabasag. 35 Wala kayong matatakbuhang lugar at hindi kayo makakatakas. 36 Maririnig ang iyakan at pagdaing nʼyo, dahil nilipol ng Panginoon ang mga mamamayan ninyo. 37 At dahil sa matinding galit ng Panginoon, magiging disyerto ang saganang pastulan. 38 Ang Panginoon ay parang leon na lumabas sa yungib nito para maghanap ng masisila. Magiging mapanglaw ang lupain nʼyo dahil sa pagsalakay ng kaaway, at dahil sa matinding galit ng Panginoon.
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(A)
45 Pagdating nila sa Jerusalem, pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay bahay-panalanginan.’[a] Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[b]
47 Nagtuturo si Jesus sa templo araw-araw, habang pinagsisikapan naman ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan na patayin siya. 48 Pero wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil nakikinig nang mabuti ang mga tao sa mga itinuturo niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®