Revised Common Lectionary (Complementary)
Pasasalamat sa Dios
138 Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso.
Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios.[a]
2 Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat.
3 Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako.
Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
4 Magpupuri sa inyo, Panginoon, ang lahat ng hari sa buong mundo,
dahil maririnig nila ang inyong mga salita.
5 Silaʼy aawit tungkol sa inyong ginawa,
dahil dakila ang inyong kapangyarihan.
6 Panginoon, kahit kayoʼy dakila sa lahat, nagmamalasakit kayo sa mga aba ang kalagayan.
At kahit nasa malayo ka ay nakikilala mo ang lahat ng mga hambog.
7 Kahit na sa buhay na itoʼy may mga kaguluhan, ang buhay koʼy inyong iniingatan.
Pinarurusahan nʼyo ang aking mga kaaway.
Inililigtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
8 Tutuparin nʼyo Panginoon ang inyong mga pangako sa akin.
Ang pag-ibig nʼyo ay walang hanggan.
Huwag nʼyong pabayaan ang gawa ng inyong kamay.
Iniligtas ni Mordecai ang Hari
19 Sa pangalawang pagtitipon ng mga dalaga, si Mordecai ay isa nang opisyal na nakapwesto sa pintuan ng palasyo. 20 Hindi pa rin sinasabi ni Ester na isa siyang Judio, tulad ng bilin ni Mordecai. Sinusunod pa rin ni Ester si Mordecai katulad noon, nang siyaʼy nasa pangangalaga pa nito.
21 Nang panahong si Mordecai ay isa nang opisyal na nakapwesto sa pintuan ng palasyo, may dalawang pinuno ng hari na ang mga pangalan ay Bigtana[a] at Teres. Sila ang mga guwardya ng pintuan ng kwarto ng hari. Galit sila kay Haring Ahasuerus, at nagplano silang patayin ito. 22 Pero nalaman ni Mordecai ang planong ito, kaya sinabi niya ito kay Reyna Ester. Sinabi naman ito ni Ester sa hari at ipinaalam din niya sa kanya na si Mordecai ang nakatuklas sa planong pagpatay. 23 Ipinasiyasat ito ng hari. At nang mapatunayang totoo ito, ipinatuhog niya sina Bigtan at Teres sa nakatayong matulis na kahoy. At ang pangyayaring itoʼy ipinasulat ng hari sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.
Nagplano si Haman na Lipulin ang mga Judio
3 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata na Agageo.[b] Ginawa siyang pinakamataas na pinuno sa kaharian niya. 2 Inutusan niya ang lahat ng opisyal na yumukod kay Haman bilang paggalang sa kanya. Pero ayaw yumukod ni Mordecai. 3 Tinanong siya ng ibang pinuno kung bakit hindi niya sinusunod ang utos ng hari. 4 At sinabi niyang isa siyang Judio.[c] Araw-araw, hinihikayat siya ng mga kapwa niya pinuno na yumukod kay Haman pero ayaw pa rin niyang sumunod. Dahil dito, isinumbong nila kay Haman si Mordecai para malaman nila kung pababayaan na lang siya sa ginagawa niya, dahil sinabi niyang isa siyang Judio.
5 Nang makita ni Haman na hindi yumuyukod sa kanya si Mordecai para magbigay galang, nagalit siya ng labis. 6 At nang malaman pa niyang si Mordecai ay isang Judio, naisip niyang hindi lang si Mordecai ang ipapapatay niya kundi pati na ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Ahasuerus.
15 Nang mga araw na iyon, nagtipon ang mga 120 mananampalataya. Tumayo si Pedro at nagsalita,
16 “Mga kapatid, kinakailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan na ipinahayag ng Banal na Espiritu noong una sa pamamagitan ni David. Ito ay tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Dati, kasama namin siya bilang apostol, at may bahagi siya sa aming gawain.”
18 (Pero bumili si Judas ng lupa mula sa perang isinuhol sa kanya sa pagtatraydor kay Jesus, at doon ay pasubsob siyang nahulog. Pumutok ang tiyan niya at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nalaman ito ng lahat ng tao sa Jerusalem, kaya tinawag nila ang lugar na iyon na Akeldama, na ang ibig sabihin ay “Bukid ng Dugo”.) 20 Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa mga Salmo,
‘Pabayaan na lang ang kanyang tirahan,
at dapat walang tumira roon.’[a]
At nasusulat din,
‘Ibibigay na lang sa iba ang kanyang tungkulin.’
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®