Revised Common Lectionary (Complementary)
97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
lumalawak ang aking pang-unawa,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.
Ang Lugar na Pinagsasambahan
12 “Ito ang mga utos at tuntunin na dapat nʼyong sundin nang mabuti habang nabubuhay kayo rito sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. 2 Kapag pinalayas na ninyo ang mga taong naninirahan doon, gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagsasambahan nila sa kanilang mga dios-diosan: sa matataas na mga bundok, sa mga kaburulan at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. 3 Gibain din ninyo ang kanilang mga altar, durugin ang mga alaalang bato nila, sunugin ang kanilang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, at durugin ang imahen ng kanilang mga dios para hindi na ito alalahanin pa sa mga lugar na iyon.
4 “Huwag ninyong sasambahin ang Panginoon na inyong Dios na gaya ng paraan ng kanilang pagsamba, 5 kundi dumulog kayo sa Panginoon na inyong Dios at parangalan siya sa lugar na kanyang pipiliin mula sa lahat ng teritoryo ng mga lahi ng Israel. 6 Doon ninyo dalhin ang mga handog ninyo na sinusunog at iba pang mga handog, ang inyong mga ikapu, ang inyong mga espesyal na handog, ang inyong mga ipinangakong regalo at mga handog na kusang-loob, gayon din ang panganay ng inyong mga hayop. 7 Doon kayo kumain at ang inyong pamilya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, at magsaya kayo sa lahat ng inyong nagawa dahil pinagpala kayo ng Panginoon.
8-9 “Kapag dumating na kayo sa lugar na kung saan makapagpapahinga na kayo, ang lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, huwag na ninyong gawin ang ginagawa natin ngayon, na kahit saan lang tayo naghahandog. 10 Kapag nakatawid na kayo sa Jordan at nanirahan sa lugar na ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana, mabubuhay kayo nang mapayapa dahil hindi papayag ang Panginoon na gambalain kayo ng mga kaaway sa inyong paligid. 11 Pagkatapos, dalhin ninyo ang mga handog doon sa lugar na pipiliin ng Panginoon na inyong Dios, kung saan pararangalan siya. Ito ang mga handog na iniutos ko sa inyo: mga handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, ang inyong ikapu, ang mga espesyal na regalo at ang lahat ng handog na ipinangako ninyo sa Panginoon. 12 Doon kayo magsasaya sa presensya ng Panginoon na inyong Dios, pati ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita na naninirahan sa mga bayan ninyo na walang lupang mamanahin.
41 Samantala, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sinabi ni Jesus na siya ang tinapay na mula sa langit. 42 Kaya sinabi nila, “Hindi baʼt si Jesus lang naman iyan na anak ni Jose? Bakit sinasabi niyang bumaba siya mula sa langit, samantalang kilala natin ang mga magulang niya?” 43 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin maliban kung papalapitin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang mga lalapit sa akin ay bubuhayin kong muli sa huling araw. 45 Ayon sa isinulat ng mga propeta, ‘Tuturuan silang lahat ng Dios.’[a] Kaya ang lahat ng nakikinig at natututo sa Ama ay lalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama. Ako lang na nagmula sa Dios Ama ang nakakita sa kanya.
47 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan, 48 dahil ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. 49 Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, ngunit namatay din silang lahat. 50 Pero narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito. 51 Ako ang tinapay na mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa mundo ay walang iba kundi ang aking katawan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®