Revised Common Lectionary (Complementary)
97 Iniibig ko ang inyong kautusan.
Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.
98 Ang mga utos nʼyo ay nasa puso ko,
kaya mas marunong ako kaysa sa aking mga kaaway.
99 Mas marami ang aking naunawaan kaysa sa aking mga guro,
dahil ang lagi kong pinagbubulay-bulayan ay ang inyong mga turo.
100 Higit pa ang aking pang-unawa kaysa sa matatanda,
dahil sinusunod ko ang inyong mga tuntunin.
101 Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,
upang masunod ko ang inyong mga salita.
102 Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,
dahil kayo ang nagtuturo sa akin.
103 Kay tamis ng inyong mga salita, mas matamis pa ito kaysa sa pulot.
104 Sa pamamagitan ng inyong mga tuntunin,
lumalawak ang aking pang-unawa,
kaya kinamumuhian ko ang lahat ng gawaing masama.
Ang Karunungan at ang Kamangmangan
9 Ang karunungan ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay na may pitong haligi. 2 Pagkatapos, nagkaroon siya ng malaking handaan. Naghanda siya ng mga pagkain at mga inumin. 3 At saka inutusan niya ang mga katulong niyang babae na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan para ipaalam ang ganito: 4 “Kayong mga kulang sa karunungan at pang-unawa, inaanyayahan kayo sa isang malaking handaan. 5 Halikayo, kumain kayo at uminom ng aking inihanda. 6 Iwanan na ninyo ang kamangmangan upang mabuhay kayo nang matagal at may pang-unawa.”
7 Kung sasawayin mo ang taong nangungutya, iinsultuhin ka niya. Kung sasawayin mo ang taong masama, sasaktan ka niya. 8 Kaya huwag mong sasawayin ang taong nangungutya, sapagkat magagalit siya sa iyo. Sawayin mo ang taong marunong at mamahalin ka niya. 9 Kapag tinuruan mo ang isang taong marunong, lalo siyang magiging marunong. At kapag tinuruan mo ang isang taong matuwid, lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman.
10 Ang paggalang sa Panginoon ang pasimula ng karunungan. At ang pagkilala sa Banal na Dios ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa. 11 Sa pamamagitan ng karunungan, hahaba ang iyong buhay. 12 Kung may karunungan ka, magdudulot ito sa iyo ng kabutihan, ngunit magdurusa ka kung itoʼy iyong tatanggihan.
13 Ang kamangmangan ay katulad ng isang babaeng maingay, hindi marunong at walang nalalaman. 14 Nakaupo siya sa pintuan ng kanyang bahay o sa upuan sa mataas na lugar sa lungsod, 15 at tinatawag ang mga dumadaan na papunta sa kanilang trabaho. 16 Sabi niya, “Halikayo rito, kayong mga walang karunungan.” At sinabi pa niya sa walang pang-unawa, 17 “Mas masarap ang tubig na ninakaw at mas masarap ang pagkain na kinakain ng lihim.” 18 Ngunit hindi alam ng mga taong pumupunta sa kanya na sila ay mamamatay. Ang mga nakapunta na sa kanya ay naroon na sa libingan.
2 Mga anak, sinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. Ngunit kung may magkasala man, may tagapamagitan tayo sa Ama – siya ay si Jesu-Cristo, ang Matuwid. 2 Siya ang ibinigay na handog para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, at hindi lang ng mga kasalanan natin kundi pati na rin ng kasalanan ng buong mundo. 3 Nakatitiyak tayong kilala natin ang Dios kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. 4 Ang nagsasabing nakikilala niya ang Dios ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. 5 Ngunit sa sinumang sumusunod sa salita ng Dios, lubos na natupad sa kanya ang pag-ibig ng Dios. At sa ganitong paraan natin malalaman na tayoʼy nasa kanya: 6 ang sinumang nagsasabing siya ay sa Dios, dapat siyang mamuhay nang tulad ni Jesu-Cristo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®