Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya
15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?
2 Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
namumuhay ng tama,
walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
3 hindi naninirang puri,
at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
4 Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.
Naghiwalay si Abram at si Lot
13 Mula sa Egipto, pumunta si Abram sa Negev kasama ang asawa niya at dala ang lahat ng ari-arian niya, at sumama rin sa kanila si Lot. 2 Napakayaman na ni Abram, marami na siyang hayop, pilak at ginto. 3 Mula sa Negev, nagpalipat-lipat sila hanggang makabalik sila sa lugar na dati nilang pinagtayuan ng tolda. Ang lugar na ito ay nasa gitna ng Betel at Ai. 4 Dito rin sila unang nagtayo ng altar nang dumating sila sa Canaan. At muling sumamba si Abram sa Panginoon.
5 Si Lot na laging kasama ni Abram saan man siya pumunta ay may sarili ring mga hayop at mga tolda. 6 At dahil marami na ang mga hayop nila at iba pang mga ari-arian, hindi sila maaaring manirahan sa iisang lugar. Ang pastulan ay hindi magkakasya sa kanila. 7 Dahil dito, nag-away-away ang mga tagapagbantay ng mga hayop nila. (Nang panahong iyon, ang mga Cananeo at mga Perezeo ay nakatira sa lupaing iyon.)
8 Kaya sinabi ni Abram kay Lot, “Tayo at ang mga tauhan natin ay hindi dapat mag-away, dahil magkakamag-anak tayo. 9 Ang mabuti pa, maghiwalay na lang tayo dahil marami pang lugar na maaaring lipatan. Ikaw ang mamili kung aling bahagi ng lupain ang pipiliin mo. Kung kakaliwa ka, kakanan ako; kung kakanan ka, kakaliwa naman ako.”
10 Tumanaw si Lot sa paligid at nakita niya na ang kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, katulad ng lugar ng Eden at ng lupain ng Egipto. (Nangyari ito noong hindi pa nililipol ng Panginoon ang Sodom at Gomora.) 11 Kaya pinili ni Lot ang buong kapatagan ng Jordan sa silangan. Sa ganoong paraan, naghiwalay sila ni Abram. 12 Si Abram ay nagpaiwan sa Canaan habang si Lot naman ay naroon sa mga lungsod ng kapatagan. Nagtayo si Lot ng mga tolda malapit sa Sodom. 13 Ang mga tao sa Sodom ay talamak na makasalanan. Labis ang pagkakasala nila laban sa Panginoon.
Lumipat si Abram sa Hebron
14 Nang nakaalis na si Lot, sinabi ng Panginoon kay Abram, “Mula sa kinatatayuan mo, tingnan mong mabuti ang paligid. 15 Ang lahat ng lupain na maaabot ng paningin mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo, at magiging inyo ito magpakailanman. 16 Pararamihin ko ang lahi mo na kasindami ng buhangin sa mundo. Ang buhangin ay hindi kayang bilangin, kaya ang mga lahi mo ay hindi rin mabibilang. 17 Lumakad ka at ikutin ang buong lupain dahil ibibigay ko itong lahat sa iyo.”
18 Kaya inilipat ni Abram ang tolda niya, at doon siya nanirahan malapit sa malalaking puno[a] ni Mamre roon sa Hebron, at gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya. 15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya. 16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu 17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios, 18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal[a] kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios. 20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin. 21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®