Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 15

Ang Nais ng Dios sa mga Sumasamba sa Kanya

15 Panginoon, sino ang maaaring tumira sa inyong templo?
    Sino ang karapat-dapat na tumira sa inyong Banal na Bundok?

Sumagot ang Panginoon,
“Ang taong
    namumuhay ng tama,
    walang kapintasan at taos-pusong nagsasabi ng katotohanan,
hindi naninirang puri,
    at hindi nagsasalita at gumagawa ng masama laban sa kanyang kapwa.
Itinatakwil ang mga taong sobrang sama,
    ngunit pinararangalan ang mga taong may takot sa Dios.
    Tinutupad ang kanyang ipinangako kahit na mahirap gawin.
Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pautang,
    at hindi tumatanggap ng suhol upang sumaksi laban sa taong walang kasalanan.”
    Ang taong gumagawa ng ganito ay hindi matitinag kailanman.

Genesis 12:10-20

Pumunta si Abram sa Egipto

10 Ngayon, nagkaroon ng matinding taggutom sa Canaan, kaya pumunta si Abram sa Egipto para roon muna manirahan. 11 Nang paparating na sila sa Egipto, sinabi ni Abram sa kanyang asawa, “Sarai, maganda kang babae. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nila na asawa kita, kaya papatayin nila ako para makuha ka nila. 13 Mabuti sigurong sabihin mo sa kanila na magkapatid tayo para hindi nila ako patayin at para maging mabuti ang pakikitungo nila sa akin dahil sa iyo.”

14 Kaya pagdating nila sa Egipto, nakita nga ng mga Egipcio ang kagandahan ni Sarai. 15 At nang makita siya ng mga opisyal ng Faraon,[a] sinabi nila sa hari kung gaano siya kaganda. Kaya dinala si Sarai roon sa palasyo. 16 Dahil kay Sarai, naging mabuti ang pakikitungo ng hari kay Abram at binigyan pa siya ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.

17 Pero binigyan ng Panginoon ng nakakakilabot na karamdaman ang Faraon at ang mga tauhan niya sa palasyo dahil kay Sarai. 18 Nang malaman ng Faraon ang dahilan ng lahat ng ito, ipinatawag niya si Abram at tinanong, “Ano ba itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi na asawa mo pala siya? 19 Bakit mo sinabing magkapatid kayo? Kaya kinuha ko siya para maging asawa ko. Ngayon, heto ang asawa mo, kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Pagkatapos, nag-utos ang Faraon sa mga tauhan niya na paalisin na sila. Kaya dinala nila si Abram palabas ng lupain na iyon at pinaalis kasama ang asawa niya at ang lahat ng ari-arian niya.

Hebreo 5:1-6

Ang bawat punong pari ay pinili mula sa mga tao upang maglingkod sa Dios para sa kanila. Tungkulin niyang maghandog ng mga kaloob at iba pang mga handog para sa kapatawaran ng mga kasalanan. At dahil tao rin siyang tulad natin na may mga kahinaan, mahinahon siyang nakikitungo sa mga taong hindi nakakaalam na naliligaw sila ng landas. At dahil nagkakasala rin siya, kailangan niyang maghandog, hindi lang para sa kasalanan ng mga tao, kundi para rin sa sarili niyang mga kasalanan. Hindi maaaring makamtan ninuman sa sarili niyang kagustuhan ang karangalan ng pagiging punong pari. Sapagkat ang Dios mismo ang humihirang sa kanya na maging punong pari, tulad ng pagkahirang kay Aaron. Ganoon din naman, hindi si Cristo ang nagparangal sa sarili niya na maging punong pari kundi ang Dios. Sapagkat sinabi sa kanya ng Dios,

    “Ikaw ang Anak ko, at ngayon ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.”[a]

At sinabi pa ng Dios sa ibang bahagi ng Kasulatan,

    “Ikaw ay pari magpakailanman, tulad ng pagkapari ni Melkizedek.”[b]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®