Revised Common Lectionary (Complementary)
11 Dahil sa iyong pangalan, Oh Panginoon, iyong ipatawad ang aking kasamaan, sapagka't malaki.
12 Anong tao siya na natatakot sa Panginoon? Siya ang tuturuan niya ng daan na kaniyang pipiliin.
13 Ang kaniyang kaluluwa ay tatahan sa kaginhawahan; at mamanahin ng kaniyang binhi ang lupain.
14 Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya; at ipakikilala niya sa kanila ang kaniyang tipan.
15 Ang aking mga mata ay palaging na sa Panginoon; sapagka't huhugutin niya ang aking mga paa sa silo.
16 Panumbalikan mo ako, at maawa ka sa akin; sapagka't ako'y nag-iisa at nagdadalamhati.
17 Ang kabagabagan ng aking puso ay lumaki: Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan.
18 Gunitain mo ang aking pagkapighati at aking damdam; at ipatawad mo ang lahat kong mga kasalanan.
19 Masdan mo ang aking mga kaaway, sapagka't sila'y marami; at pinagtataniman nila ako ng mabagsik na pagkagalit.
20 Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, at iyong iligtas ako: huwag nawa akong mapahiya, sapagka't nanganganlong ako sa iyo.
19 Maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat kay sa suwail sa kaniyang mga labi at mangmang.
2 Gayon din ang kaluluwa na walang kaalaman ay hindi mabuti; at siyang nagmamadali ng kaniyang mga paa ay nagkakasala.
3 Ang kamangmangan ng tao ay sumisira ng kaniyang lakad; at ang kaniyang puso ay nagagalit laban sa Panginoon.
4 Ang kayamanan ay nagdadagdag ng maraming kaibigan: nguni't ang dukha ay hiwalay sa kaniyang kaibigan.
5 Ang sinungaling na saksi ay walang pagsalang parurusahan; at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay hindi makatatahan.
6 Marami ang mamamanhik ng lingap sa magandang-loob: at bawa't tao ay kaibigan ng nagbibigay ng mga kaloob.
7 Ipinagtatanim siya ng lahat ng kapatid ng dukha: gaano pa nga kaya ang ilalayo sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan! Kaniyang hinahabol sila ng mga salita, nguni't wala na sila.
8 Siyang nagiimpok ng karunungan ay umiibig sa kaniyang sariling kaluluwa: siyang nagiingat ng pagunawa ay makakasumpong ng mabuti.
9 Ang sinungaling na saksi ay walang pagsalang parurusahan; at ang nagbabadya ng mga kasinungalingan ay mamamatay.
10 Maayos na pamumuhay ay hindi magaling sa mangmang; lalo na sa alipin na magpuno sa mga pangulo.
11 Ang bait ng tao ay nagpapakupad sa galit. At kaniyang kaluwalhatian na paraanin ang pagsalangsang.
12 Ang poot ng hari ay parang ungal ng leon; nguni't ang kaniyang lingap ay parang hamog sa damo.
13 Ang mangmang na anak ay kapanglawan ng kaniyang ama: at ang mga pakikipagtalo ng asawa ay walang likat na tulo.
14 Bahay at mga kayamanan ay minamana sa mga magulang: nguni't ang mabait na asawa ay galing sa Panginoon.
15 Katamaran ay nagbabaon sa mahimbing na pagkakatulog; at ang tamad na kaluluwa ay magugutom.
16 Ang nagiingat ng utos ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa: nguni't ang walang babala sa kaniyang mga lakad ay mamamatay.
17 Ang naaawa sa dukha ay nagpapautang sa Panginoon, at ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran sa kaniya uli.
11 Sapagka't ito ang pasabing inyong narinig buhat ng pasimula, na mangagibigan tayo sa isa't isa:
12 Hindi gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinatay ang kaniyang kapatid. At bakit niya pinatay? Sapagka't ang kaniyang mga gawa ay masasama, at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid.
13 Huwag kayong mangagtaka, mga kapatid, kung kayo'y kinapopootan ng sanglibutan.
14 Nalalaman nating tayo'y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka't tayo'y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan.
15 Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.
16 Dito'y nakikilala natin ang pagibig, sapagka't kaniyang ibinigay ang kaniyang buhay dahil sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay dahil sa mga kapatid.
17 Datapuwa't ang sinomang mayroong mga pag-aari sa sanglibutang ito, at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan, at doo'y ipagkait ang kaniyang awa, paanong mananahan ang pagibig ng Dios sa kaniya?
Public Domain