Revised Common Lectionary (Complementary)
16 Ingatan mo ako, Oh Dios; sapagka't sa iyo nanganganlong ako.
2 Oh kaluluwa ko, iyong sinabi sa Panginoon, ikaw ay aking Panginoon: ako'y walang kabutihan liban sa iyo.
3 Tungkol sa mga banal na nangasa lupa, sila ang maririlag na mga kinalulugdan kong lubos.
4 Ang mga kalumbayan nila ay dadami, na nangaghahandog sa ibang dios: ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ihahandog, ni sasambitin man ang kanilang mga pangalan sa aking mga labi.
5 Ang Panginoon ay siyang bahagi ng aking mana at ng aking saro: iyong inaalalayan ang aking kapalaran.
6 Ang pising panukat ay nangahulog sa akin sa mga maligayang dako; Oo, ako'y may mainam na mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo: Oo, tinuturuan ako sa gabi ng aking puso.
8 Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko: sapagka't kung siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at ang aking kaluwalhatian ay nagagalak: ang akin namang katawan ay tatahang tiwasay.
10 Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.
11 Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay: nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanan ay may mga kasayahan magpakailan man.
22 At itinaas ni Aaron ang kaniyang mga kamay sa dakong bayan at binasbasan niya; at bumaba siya na mula sa paghahandog ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan.
23 At pumasok si Moises at si Aaron sa tabernakulo ng kapisanan, at sila'y lumabas, at binasbasan ang bayan: at lumitaw ang kaluwalhatian ng Panginoon sa buong bayan.
24 At may lumabas na apoy sa harap ng Panginoon, at sinunog sa ibabaw ng dambana ang handog na susunugin at ang taba: at nang makita yaon ng buong bayan, ay nagsigawan at nangagpatirapa.
10 At si Nadab at si Abiu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ang bawa't isa sa kanila ng kanikaniyang suuban, at sinidlan nila ng apoy, at pinatungan ng kamangyan, at sila'y naghandog sa harap ng Panginoon ng ibang apoy na hindi iniutos niya sa kanila.
2 At sa harap ng Panginoon ay may lumabas na apoy, at sinupok sila; at namatay sila sa harap ng Panginoon.
3 Nang magkagayo'y sinabi ni Moises kay Aaron, Ito ang sinalita ng Panginoon, na sinasabi, Ako'y babanalin ng mga lumalapit sa akin, at sa harap ng buong bayan ay luluwalhatiin ako. At si Aaron ay hindi umimik.
4 At tinawag ni Moises si Misael at si Elzaphan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, Magsilapit kayo, ilabas ninyo ang inyong mga kapatid sa kampamento mula sa harap ng santuario.
5 Sa gayo'y lumapit sila, at kanilang binuhat sa kanilang mga kasuutan na inilabas sa kampamento, gaya ng sinabi ni Moises.
6 At sinabi ni Moises kay Aaron, at kay Eleazar at kay Itamar na kaniyang mga anak, Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o hapakin man ninyo ang inyong bihisan; upang huwag kayong mamatay at ng siya'y huwag magalit laban sa buong kapisanan: kundi ang inyong mga kapatid, ang buong sangbahayan ni Israel ay tumaghoy sa apoy na pinapagalab ng Panginoon.
7 At huwag kayong lalabas sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, baka kayo'y mamatay: sapagka't ang langis na pang-pahid ng Panginoon ay nasa ulo ninyo. At kanilang ginawa ayon sa salita ni Moises.
8 At sinalita ng Panginoon kay Aaron, na sinasabi,
9 Huwag iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak man, pagka kayo'y papasok sa tabernakulo ng kapisanan, upang kayo'y huwag mamatay: magiging palatuntunang walang hanggan sa buong panahon ng inyong mga lahi:
10 At upang inyong malagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, at ang karumaldumal at ang malinis:
11 At upang inyong maituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng palatuntunang sa kanila'y sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
5 Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo'y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi baga ninyo nalalaman sa ganang inyong sarili, na si Jesucristo ay nasa inyo? maliban na nga kung kayo'y itinakuwil na.
6 Nguni't inaasahan ko na inyong mangakikilala na kami ay hindi itinakuwil.
7 Ngayo'y idinadalangin namin sa Dios na kayo'y huwag magsigawa ng masama; hindi upang kami'y mangakitang subok, kundi upang gawin ninyo ang may karangalan, kahit kami'y maging gaya ng itinakuwil.
8 Sapagka't kami'y walang anomang magagawang laban sa katotohanan, kundi ayon sa katotohanan.
9 Sapagka't kami'y natutuwa kung kami'y mahihina, at kayo'y malalakas: at ito naman ang idinadalangin namin, sa makatuwid baga'y ang inyong pagkasakdal.
10 Dahil dito'y sinusulat ko ang mga bagay na ito samantalang ako'y wala sa harapan, upang kung nasa harapan ay huwag akong gumamit ng kabagsikan, ayon sa kapamahalaang ibinibigay sa akin ng Panginoon sa ikatitibay, at hindi sa ikagigiba.
Public Domain