Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 64

64 Dinggin mo ang tinig ko, Oh Dios, sa aking hibik: ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.

Ikubli mo ako sa lihim na payo ng mga manggagawa ng kasamaan; sa panggugulo ng mga manggagawa ng kasamaan:

Na siyang nangaghasa ng kanilang dila na parang tabak, at pinahilagpos ang kanilang mga palaso, sa makatuwid baga'y ang masasakit na salita:

Upang kanilang maihilagpos sa sakdal sa mga lihim na dako: biglang inihihilagpos nila sa kaniya at hindi natatakot.

Sila'y nagpapakatapang sa masamang akala; sila'y nagsasangusapan ng paglalagay ng lihim na silo; Sinasabi nila, Sinong makakakita?

Sila'y nagsisipagsiyasat ng mga kasamaan; aming naganap, sabi nila, ang masikap na pagsiyasat; at ang pagiisip sa loob ng bawa't isa, at ang puso ay malalim.

Nguni't pahihilagpusan sila ng Dios; sila'y masusugatang bigla ng isang palaso.

Sa gayo'y sila'y matitisod palibhasa't ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila: ang lahat na makakita sa kanila ay mangaguuga ng ulo.

At lahat ng mga tao ay mangatatakot; at kanilang ipahahayag ang salita ng Dios, at may karunungang kanilang bubuhayin ang kanilang gawa.

10 Ang matuwid ay matutuwa sa Panginoon, at manganganlong sa kaniya; at lahat ng mga matuwid sa puso ay magsisiluwalhati.

Job 18

18 Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi,

Hanggang kailan manghuhuli kayo ng mga salita? Inyong bulayin, at pagkatapos ay magsasalita kami.

Bakit kami nangabibilang na parang mga hayop, at naging marumi sa iyong paningin?

Ikaw na nagpapakabagbag sa iyong galit, pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo? O babaguhin ba ang bato mula sa kinaroroonan?

Oo, ang ilaw ng masama ay papatayin, at ang liyab ng kaniyang apoy ay hindi liliwanag.

Ang ilaw ay magdidilim sa kaniyang tolda, at ang kaniyang ilawan sa itaas niya ay papatayin.

Ang mga hakbang ng kaniyang kalakasan ay mapipigil, at ang kaniyang sariling payo ang magbabagsak sa kaniya.

Sapagka't siya'y inihagis sa lambat ng kaniyang sariling mga paa, at siya'y lumalakad sa mga silo.

Isang panghuli ang huhuli sa kaniya sa mga sakong. At isang silo ay huhuli sa kaniya.

10 Ang panali ay nakakubli ukol sa kaniya sa lupa, at isang patibong na ukol sa kaniya ay nasa daan.

11 Mga kakilabutan ay tatakot sa kaniya sa lahat ng dako, at hahabol sa kaniya sa kaniyang mga sakong.

12 Ang kaniyang kalakasan ay manglalata sa gutom, at ang kapahamakan ay mahahanda sa kaniyang tagiliran.

13 Susupukin ang mga sangkap ng kaniyang katawan, Oo, lalamunin ng panganay ng kamatayan ang kaniyang mga sangkap.

14 Siya'y ilalabas sa kaniyang tolda na kaniyang tinitiwalaan; at siya'y dadalhin sa hari ng mga kakilabutan.

15 Tatahan sa kaniyang tolda yaong di niya kaanoano: azufre ay makakalat sa kaniyang tahanan.

16 Ang kaniyang mga ugat ay mangatutuyo sa ilalim, at sa ibabaw ay puputulin ang kaniyang sanga.

17 Ang alaala sa kaniya ay mawawala sa lupa, at siya'y mawawalan ng pangalan sa lansangan.

18 Siya'y ihahatid sa kadiliman mula sa liwanag, at itatapon sa labas ng sanglibutan.

19 Siya'y hindi magkakaroon kahit anak, ni anak man ng anak sa gitna ng kaniyang bayan, ni anomang nalabi sa kaniyang pinakipamayanan.

20 Silang nagsisidating pagkatapos ay mangatitigilan sa kaniyang kaarawan, gaya ng nangauna na nangatakot.

21 Tunay na ganyan ang mga tahanan ng mga liko, at ito ang kalalagyan niya na hindi nakakakilala sa Dios.

1 Corinto 1:18-31

18 Sapagka't ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na nangapapahamak; nguni't ito'y kapangyarihan ng Dios sa atin na nangaliligtas.

19 Sapagka't nasusulat, Iwawalat ko ang karunungan ng marurunong, At isasawala ko ang kabaitan ng mababait.

20 Saan naroon ang marunong? saan naroon ang eskriba? saan naroon ang mapagmatuwid sa sanglibutang ito? hindi baga ginawa ng Dios na kamangmangan ang karunungan ng sanglibutan?

21 Sapagka't yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisipanampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral.

22 Ang mga Judio nga ay nagsisihingi ng mga tanda, at ang mga Griego ay nagsisihanap ng karunungan:

23 Datapuwa't ang aming ipinangangaral ay ang Cristo na napako sa krus, na sa mga Judio ay katitisuran, at sa mga Gentil ay kamangmangan;

24 Nguni't sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang kapangyarihan ng Dios, at ang karunungan ng Dios.

25 Sapagka't ang kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao; at ang kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao.

26 Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag:

27 Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas;

28 At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, oo at ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga:

29 Upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Dios.

30 Datapuwa't sa kaniya kayo'y nangasa kay Cristo Jesus, na sa atin ay ginawang karunungang mula sa Dios, at katuwiran at kabanalan, at katubusan:

31 Na, ayon sa nasusulat, Ang nagmamapuri, ay magmapuri sa Panginoon.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain