Revised Common Lectionary (Complementary)
65 Ako'y napagsasangunian ng mga hindi nagsipagtanong tungkol sa akin; ako'y nasusumpungan nila na hindi nagsihanap sa akin: aking sinabi, Narito ako, narito ako, sa bansa na hindi tinawag sa aking pangalan.
2 Aking iniunat ang aking mga kamay buong araw sa mapanghimagsik na bayan, na lumalakad sa daang hindi mabuti, ayon sa kanilang sariling mga pagiisip;
3 Bayan na minumungkahi akong palagi ng mukhaan, na naghahain sa mga halamanan, at nagsusunog ng kamangyan sa ibabaw ng mga laryo;
4 Na nauupo sa gitna ng mga libingan, at tumitigil sa mga lihim na dako; na kumakain ng laman ng baboy, at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;
5 Na nagsasabi, Humiwalay ka, huwag kang lumapit sa akin, sapagka't ako'y lalong banal kay sa iyo. Ang mga ito ay usok sa aking ilong, apoy na nagliliyab buong araw.
6 Narito, nasulat sa harap ko: hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti, oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan,
7 Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga kasamaan ng inyong mga magulang na magkakasama, sabi ng Panginoon, na mangagsunog ng kamangyan sa mga bundok, at nagsitungayaw sa akin sa mga burol: ay susukatan ko nga ng kanilang unang gawa sa kaniyang sinapupunan.
8 Ganito ang sabi ng Panginoon, Kung paanong nasusumpungan ang bagong alak sa kumpol, at may nagsasabi, Huwag mong sirain, sapagka't iyan ay mapapakinabangan: gayon ang gagawin ko sa ikagagaling ng aking mga lingkod, upang huwag kong malipol silang lahat.
9 At ako'y maglalabas ng lahi na mula sa Jacob, at mula sa Juda ng isang tagapagmana ng aking mga bundok; at mamanahin ng aking pinili, at tatahanan ng aking mga lingkod.
19 Nguni't huwag kang lumayo, Oh Panginoon: Oh ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan mo ako.
20 Iligtas mo ang aking kaluluwa sa tabak; ang aking minamahal sa kapangyarihan ng aso.
21 Iligtas mo ako sa bibig ng leon; Oo, mula sa mga sungay ng torong gubat ay sinagot mo ako.
22 Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid: sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita.
23 Kayong nangatatakot sa Panginoon ay magsipuri sa kaniya: kayong lahat na binhi ni Jacob ay lumuwalhati sa kaniya; at magsitayong may takot sa kaniya, kayong lahat na binhi ni Israel.
24 Sapagka't hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; ni ikinubli man niya ang kaniyang mukha sa kaniya; kundi nang siya'y dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig.
25 Sa iyo nanggagaling ang pagpuri sa akin sa dakilang kapisanan: aking tutuparin ang aking mga panata sa harap nila na nangatatakot sa kaniya.
26 Ang maamo ay kakain at mabubusog: kanilang pupurihin ang Panginoon na humanap sa kaniya; mabuhay nawa ang iyong puso magpakailan man.
27 Lahat ng mga wakas ng lupa ay makakaalaala, at magsisipanumbalik sa Panginoon: at lahat ng mga angkan ng mga bansa ay magsisisamba sa harap mo.
28 Sapagka't ang kaharian ay sa Panginoon: at siya ang puno sa mga bansa.
23 Nguni't bago dumating ang pananampalataya, ay nabibilanggo tayo sa ilalim ng kautusan, na nakukulong tayo hanggang sa ang pananampalataya ay ipahahayag pagkatapos.
24 Ano pa't ang kautusan ay siyang naging tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.
25 Datapuwa't ngayong dumating na ang pananampalataya, ay wala na tayo sa ilalim ng tagapagturo.
26 Sapagka't kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalataya, kay Cristo Jesus.
27 Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
28 Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.
29 At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.
26 At sila'y nagsidating sa lupain ng mga Gadareno, na nasa tapat ng Galilea.
27 At pagkalunsad niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan, na may mga demonio; at malaong panahon na hindi siya nagdaramit, at hindi tumatahan sa bahay, kundi sa mga libingan.
28 At nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi ng malakas na tinig, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? Ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mo akong pahirapan.
29 Sapagka't ipinagutos niya sa karumaldumal na espiritu na lumabas sa tao. Sapagka't madalas siyang inaalihan: at siya'y binabantayan at gapos ng mga tanikala at mga damal; at pagka pinapatid ang gapos ay siya'y itinataboy ng demonio sa mga ilang.
30 At tinanong siya ni Jesus, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya, Pulutong; sapagka't maraming demonio ang nagsipasok sa kaniya.
31 At ipinamamanhik nila sa kaniya na huwag silang paparoonin sa kalalimlaliman.
32 Doon nga'y may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain sa bundok: at ipinamanhik nila sa kaniya na pabayaang sila'y magsipasok sa mga yaon. At sila'y pinahintulutan niya.
33 At nagsilabas ang mga demonio sa tao, at nagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagatdagatan, at nangalunod.
34 At nang makita ng nagsisipagalaga ng mga yaon ang nangyari, ay nagsitakas, at isinaysay sa bayan at sa bukid.
35 At sila'y nagsilabas upang makita ang nangyari; at nagsilapit sila kay Jesus, at kanilang naratnan sa paanan ni Jesus ang taong nilabasan ng mga demonio, na nakaupo, may pananamit, at matino ang kaniyang bait: at sila'y nangatakot.
36 At sa kanila'y isinaysay ng nangakakita kung paanong pinagaling ang inaalihan ng mga demonio.
37 At ipinamanhik sa kaniya ng lahat ng mga tao sa palibotlibot ng lupain ng mga Gadareno na siya'y umalis sa kanila, sapagka't sila'y napipigilan ng malaking takot: at siya'y lumulan sa daong, at nagbalik.
38 Datapuwa't namanhik sa kaniya ang taong nilabasan ng mga demonio, na siya'y ipagsama niya: datapuwa't siya'y pinaalis niya, na sinasabi,
39 Umuwi ka sa iyong bahay, at ipahayag mo kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa ng Dios sa iyo. At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, na ibinabalita sa buong bayan, kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus.
Public Domain