Revised Common Lectionary (Complementary)
25 Narito, sa Jerusalem ay may isang lalaki na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at maka-diyos na naghihintay sa kaaliwan ng Israel. At ang Banal na Espiritu ay sumasakaniya. 26 Ang Banal na Espiritu ay naghayag sa kaniya na hindi siya mamamatay hanggang hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Siya ay pumunta sa loob ng templo sa pamamagitan ng Espiritu. Dinala ng mga magulang ang maliit na batang si Jesus sa templo. Ito ay upang magawa nilasa kaniya ang naaayon sa naging kaugalian sa kautusan. 28 Nang dinala nila ang maliit na bata, kinarga siya ni Simeon at pinuri ang Diyos. 29 Sinabi niya: Panginoon, ngayon ay papanawin mo na ang iyong alipin na may kapayapaan ayon sa iyong salita. 30 Ito ay sapagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas. 31 Inihanda mo ito sa harap ng lahat ng mga tao. 32 Ang kaligtasang ito ay isang liwanag upang maging kapahayagan sa mga Gentil. Ito ay kaluwalhatian ng Israel na iyong mga tao.
33 Si Jose at ang ina ni Jesus ay namangha sa mga bagay na sinabi patungkol sa kaniya. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria na ina ng bata: Narito, siya ay itinalaga upang ibagsak at itindig ang marami sa Israel. Siya ay magiging isang tanda na kanilang tututulan. 35 Ito ay mangyayari upang mahayag ang mga pagtatalo ng maraming puso. Sa iyo rin, isang tabak ang tatagos sa iyong kaluluwa.
36 Naroroon din si Ana, isang babaeng propeta na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay lubhang matanda na. Mula sa kaniyang kadalagahan, pitong taon siyang namuhay na may asawa. 37 Siya ay mga walumpu’t-apat na taon na at siya ay isang balo. At hindi na siya umalis sa templo. Araw at gabi siya ay naglilingkod na may mga pag-aayuno at mga pagdalangin. 38 Sa oras ding iyon, pumasok siya sa kinaroroonan nila at nagpuri sa Panginoon. Nagsalita siya patungkol kay Jesus sa kanilang lahat na nasa Jerusalem na naghihintay ng katubusan.
Copyright © 1998 by Bibles International