Revised Common Lectionary (Complementary)
12 Sa pagkakaroon nga ng pag-asang ito, lalong malakas ang aming loob. 13 At hindi kami katulad ni Moises na naglagay ng lambong sa kaniyang mukha upang hindi matitigan ng mga anak ni Israel ang katapusan noong lumilipas. 14 Ang kanilang mga pag-iisip ay binulag dahil hanggang sa ngayon nanatili pa rin na ang lambong na iyon ay hindi inaalis sa pagbasa ng lumang tipan. Iyon ay lumipas na kay Cristo. 15 Hanggang sa ngayon kapag binabasa ang aklat ni Moises, may lambong sa kanilang mga puso. 16 Kapag ito ay bumalik sa Panginoon, ang lambong ay aalisin. 17 Ang Panginoon ay Espiritu at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, naroroon ang kalayaan. 18 Ngunit makikita nating lahat, ng walang takip sa mukha, ang kaluwalhatian ng Panginoon. Tulad sa isang salamin, makikita nating lahat na tayo ay matutulad sa gayong anyo mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian. Ito ay tulad ng nagmula sa Panginoon na siyang Espiritu.
Mga Kayamanan sa mga Sisidlang Putik
4 Kaya nga, sa pagkakaroon ng paglilingkod na ito, ayon sa pagtanggap namin ng habag, hindi kami nanghihina.
2 Aming itinakwil ang mga itinatagong bagay na kahiya-hiya. Hindi kami lumalakad sa pandaraya ni minamali ang salita ng Diyos. Sa pagpapakita ng katotohanan, aming ipinagkakatiwala ang aming mga sarili sa budhi ng bawat tao sa harapan ng Diyos.
Ang Pagbabagong Anyo
28 Nangyari, mga walong araw pagkatapos niyang sabihin ang ng mga salitang ito, na isinama niya sina Pedro, at Juan at Santiago. Umahaon siya sa bundok upang manalangin.
29 Nangyari nang siya ay nananalangin, ang anyo ng kaniyang mukha ay nagbago. Ang kaniyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. 30 Narito, may dalawang lalaking nakipag-usap sa kaniya. Sila ay sina Moises at Elias. 31 Sila na nakita sa kaluwalhatian ay nagsalita patungkol sa kaniyang pag-alis na kaniya nang gaganapin sa Jerusalem. 32 Si Pedro at ang mga kasama niya ay tulog na. Nang sila ay magising, nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. 33 Nangyari, habang papaalissina Moises at Elias, na si Pedro ay nagsabi kay Jesus: Guro, mabuti para sa amin na kami ay narito. Gagawa kami ng tatlong kubol. Isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias. Hindi alam ni Pedro kung ano ang sinasabi niya.
34 Samantalang sinasabi niya ito, lumitaw ang isang ulap at nililiman sila. Pagpasok nila sa ulap, sila ay natakot. 35 Isang tinig ang nagmula sa ulap, na sinabi: Ito ang pinakamamahal kong anak. Pakinggan ninyo siya. 36 Nang mawala na ang tinig, nasumpungan nilang nag-iisa si Jesus. At sila ay tumahimik. Hindi nila sinabi sa kaninuman sa mga araw na iyon ang anumang nakita nila.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Inaalihan ng Karumal-dumal na Espiritu
37 Nangyari, kinabukasan pagbaba nila sa bundok, na sinalubong siya ng napakaraming tao.
38 Narito, isang lalaking mula sa karamihan ang sumigaw. Sinabi niya: Guro, isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ng pansin ang aking anak dahil siya ay kaisa-isa kong anak. 39 Narito, sinusunggaban siya ng espiritu[a] at siya ay biglang sumigaw. Pinangisay siya nito at halos ayaw siyang iwanan. 40 Nagsumamo ako sa iyong mga alagad na palayasin nila siya ngunit hindi nila magawa.
41 Sumagot si Jesus at sinabi: O lahing walang pananampalataya at lahing nagpakalihis. Hanggang kailan ako sasama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak.
42 Nang siya ay papalapit pa lamang kay Jesus, siya ay ibinalibag ng demonyo at pinangisay. Sinaway ni Jesus ang karumal-dumal na espiritu at pinagaling ang bata. Ibinalik siya ni Jesus sa kaniyang ama.
43 Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos.
Samantalang sila ay nangilalas sa lahat ng mga ginawa ni Jesus, siya ay nangusap sa kaniyang mga alagad.
Copyright © 1998 by Bibles International