Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
1 Corinto 15:35-38

Ang Katawang Binuhay Muli ng Diyos

35 Subalit maaaring may magsabi: Papaano ibinabangon ang mga patay? At ano ang magiging katawan nila?

36 Ikaw na hangal, anuman ang iyong itanim, hindi ito mabubuhay maliban ito ay mamatay. 37 Anuman ang iyong itanim, hindi mo itinatanim ang magiging katawan noon. Ang itinatanim ay ang butil, ito ay maaaring butil ng trigo o anumang ibang butil. 38 Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng katawan ayon sa kaniyang kalooban, at sa bawat isang binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan.

1 Corinto 15:42-50

42 Ganito rin nga ang pagkabuhay muli ng mga patay. Ito ay inililibing sa kabulukan, ito ay ibinabangon sa walang kabulukan. 43 Ito ay inililibing sa walang karangalan, ito ay ibinabangon sa kaluwalhatian. Ito ay inililibing sa kahinaan, ito ay ibinabangon sa kapangyarihan. 44 Ito ay inihasik na likas na katawan, ito ay babangon na espirituwal na katawan.

Mayroong likas na katawan at mayroong espirituwal na katawan.

45 Gayundin ang nasusulat: Ang unang tao na si Adan ay naging buhay na kaluluwa. Ang huling Adan ay espiritu na nagbibigay buhay. 46 Hindi una ang espirituwal kundi ang likas, pagkatapos ay ang espirituwal. 47 Ang unang tao ay mula sa lupa, gawa sa alabok. Ang ikalawang tao ay ang Panginoon na mula sa langit. 48 Kung ano siya na gawa sa alabok, gayundin sila na mga gawa sa alabok. Kung ano siya na panlangit, gayundin sila na panlangit. 49 Kung paano natin tinataglay ang anyo ng gawa sa alabok, gayundin natin tataglayin ang anyo ng nagmula sa langit.

50 Ngayon, ito ang sinasabi ko mga kapatid: Ang dugo at laman ay hindi makakapagmana ng paghahari ng Diyos. Maging ang kabulukan ay hindi makakapagmana ng walang kabulukan.

Lucas 6:27-38

Ibigin mo ang Iyong Kaaway

27 Sinasabi ko sa inyo na nakikinig: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo.

28 Sabihin ninyo ang mabubuti sa mga nanunungayaw sa inyo. Ipanalangin ninyo sila na umaalipusta sa inyo. 29 Iharap mo ang kabila mong pisngi sa kaniya na sumampal sa iyo. Huwag mong ipagkait ang iyong balabal sa kaniya na kumuha ng iyong damit. 30 Magbigay ka sa bawat isang humihingi sa iyo. Huwag mo nang bawiin ang iyong mga pag-aari sa kumuha nito sa iyo. 31 Ayon sa nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gawin din ninyo ang gayon sa kanila.

32 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung iniibig ninyo ang mga umiibig sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay umiibig din sa mga umiibig sa kanila. 33 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung gumagawa kayo ng mabuti sa kanila na gumagawa ng mabuti sa inyo? Ito ay sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan. 34 Anong pakinabang ang maaasahan ninyo kung magpapahiram kayo sa kanila na inaasahan ninyong makakapagbigay sa inyo? Ito ay sapagkat ang mga makasalanan ay nagpapahiram din samga makasalanan upang sila ay tumanggap din ng gayon. 35 Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit at ang gantimpala ninyo ay magiging malaki. Kayo ay magiging mga anak ng kataas-taasan sapagkat siya ay mabuti sa mga hindi mapagpasalamat at sa mga masasama. 36 Maging mga maawain nga kayo, gaya rin naman ng inyong Ama na maawain.

37 Huwag kayong humatol upang hindi kayo hatulan. Huwag kayong magbigay hatol upang hindi kayo bigyang hatol. Magpatawad kayo upang kayo ay patawarin. 38 Magbigay kayo at ito ay ibibigay sa inyo, mabuting sukat, siniksik, niliglig at umaapaw sapagkat ang panukat na inyong ipinangsukat ay siya ring panukat na gagamitin sa inyo.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International