Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kaloob ng Paghahayag at Pagsasalita ng mga Wika
14 Magpatuloy kayo sa pag-ibig at maghangad kayo ng mga kaloob na espirituwal. Ngunit lalo ninyong hangarin na kayo ay makapaghayag.
2 Ito ay sapagkat siya na nagsasalita ng ibang wika ay nagsasalita hindi sa mga tao kundi sa Diyos, dahil walang nakakaunawa sa kaniya. Ngunit sa espiritu, siya ay nakakapagsalita ng mga hiwaga. 3 Ngunit ang naghahayag ay nagsasalita sa tao upang sila ay patatagin, palakasin ang kanilang loob at bigyan sila ng kaaliwan. 4 Ang nagsasalita ng ibang wika ay nagpapatatag sa sarili niya. Ngunit ang naghahayag ay nagpapatatag sa iglesiya. 5 Ibig ko na lahat kayo ay makapagsalita ng ibang wika ngunit higit kong ninanais na kayo ay makapaghahayag. Ito ay sapagkat ang naghahayag ay higit na dakila kaysa sa nagsasalita ng ibang wika, maliban na lang kung ipaliliwanag niya. Sa ganoon ang iglesiya ay makakatanggap ng katatagan.
6 At ngayon mga kapatid, kung ako ay pumunta sa inyo na nagsasalita sa ibang wika, may mapapakinabangan ba kayo sa akin? Wala kayong mapapakinabangan sa akin maliban na lang kung ako ay magsasalita sa pamamagitan ng pahayag o sa kaalaman, o sa paghahayag, o sa pagtuturo. 7 Ang mga walang buhay na bagay ay nagbibigay ng tunog, maging plawta man o alpa. Papaano nga malaman kung ang tinutugtog ay plawta o alpa kung hindi ito magbigay ng malinaw na tunog? 8 Maging ang trumpeta, kung ito ay magbigay ng hindi malinaw na tunog, sino ang maghahanda sa pakikidigma? 9 Ganoon din sa inyo. Malibang gumamit kayo ng mga salitang madaling maunawaan, papaano mauunawaan ang mga sinasabi ninyo? Ito ay sapagkat sa hangin kayo nagsasalita. 10 Maaaring sa sanlibutan ay napakaraming uri ng tunog, wala isa man sa kanila ang walang kabuluhan. 11 Kaya nga, kung hindi ko naiintindihan ang kahulugan ng wikang iyon, ako ay tulad ng isang banyaga sa kaniya na nagsasalita. Siya rin naman na nagsasalita ay tulad ng isang banyaga sa akin. 12 Ganoon din sa inyo. Yamang naghahangad kayo ng mga espirituwal na kaloob. Hangarin ninyo na kayo ay sumagana para sa ikatatatag ng iglesiya.
Copyright © 1998 by Bibles International