Revised Common Lectionary (Complementary)
3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.
Pasasalamat
4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Diyos para sa inyo dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Jesucristo.
5 Nagpapasalamat ako na sa bawat bagay ay pinasasagana niya kayo sa kaniya, sa lahat ng inyong pagsasalita at sa lahat ng kaalaman. 6 Ito ay kung papaanong napagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. 7 Kaya nga, hindi kayo nagkulang sa isa mang kaloob, na kayo ay naghihintay ng kapahayagan ng ating Panginoong Jesucristo. 8 Siya ang magpapatibay sa inyo hanggang wakas, hindi mapaparatangan sa araw ng ating Panginoong Jesucristo. 9 Ang Diyos ay matapat. Sa pamamagitan niya kayo ay tinawag sa pakikipag-isa sa kaniyang Anak na si Jesucristo na ating Panginoon.
Ang Pagkakabaha-bahagi sa Iglesiya
10 Mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo na kayong lahat ay magkaisa sa mga sasabihin ninyo, at huwag magkaroon ng pagkakabahagi sa inyo. Sa halip, lubos kayong magkaisa sa iisang isipan at iisang pagpapasiya.
11 Nasabi nga sa akin ng ilan sa sambahayan ni Cloe na mayroong mga paglalaban-laban sa inyo. 12 Ito ang sasabihin ko: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi: Ako ay kay Pablo, ako ay kay Apollos, ako ay kay Cefas, ako ay kay Cristo.
13 Pinagbaha-bahagi ba si Cristo? Si Pablo ba ay ipinako sa krus ng dahil sa inyo? Binawtismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat na wala akong binawtismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang sinumang magsabi na ako ay nagbabawtismo sa aking pangalan. 16 Binawtismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Patungkol sa iba, wala na akong alam na binawtismuhan ko. 17 Ito ay sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbawtismo kundi upang ipangaral ang ebanghelyo. Ito ay hindi sa pamamagitan ng karunungan ng salita upang hindi mawalan ng halaga ang krus ni Cristo.
Copyright © 1998 by Bibles International