Revised Common Lectionary (Complementary)
Mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko ibig na kayo ay walang nalalaman patungkol sa mga kaloob na espirituwal.
2 Alam ninyo na kayong mga Gentil ay inakay patungo sa mga diyos-diyosang hindi nakakapagsalita. 3 Kaya nga, nais kong malaman ninyo ito. Walang sinumang tao na nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ang nagsasabi: Sumpain si Jesus. Wala ring makakapagsabing si Jesus ay Panginoon maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
4 May iba’t ibang uri ng kaloob ngunit iisa ang Espiritu. 5 May iba’t ibang uri ng paglilingkod ngunit iisa ang Panginoon. 6 May iba’t ibang uri ng gawain ngunit iisa ang Diyos na sa lahat ay gumagawa sa lahat ng bagay.
7 Ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan. 8 Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa isa ay ibinigay ang salita ng karunungan. Sa isa ay ibinigay ang salita ng kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 9 Sa iba ay ibinigay ang pananampalataya at sa iba ay kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Sa isa naman ay ibinigay ang paggawa ng mga himala at sa isa ay ang pagpapahayag. Sa isa ay ibinigay ang pagkilala sa mga espiritu at sa iba naman ay iba’t ibang uri ng wika. Sa iba naman ay ang pagpapaliwanag sa mga wika. 11 Gayunman, ang isa at siya ring Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga bagay na ito. Ibinabahaginiya ito sa bawat isa ayon sa kaniyang kalooban.
Ginawa ni Jesus na ang Tubig ay Maging Alak
2 Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea. Naroroon ang ina ni Jesus.
2 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3 Nang magkulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya: Wala na silang alak.
4 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, ano ang kinalaman ng bagay na ito sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.
5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga tagapaglingkod. Gawin ninyo ang anumang sasabihin niya sa inyo. 6 Mayroon doong anim na tapayang bato na nakalagay alinsunod sa pagdadalisay ng mga Judio. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng humigit-kumulang sa isang daang litrong tubig.
7 Sinabi ni Jesus sa mga tagapaglingkod: Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.
8 Sinabi niya sa kanila: Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.
Kanilang dinala ito.
9 Natikman ng namamahala ng handaan ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan ito nanggalingngunit alam ng mga tagapaglingkod na sumalok ng tubig. Dahil dito, tinawag ng namamahala ng kapistahan ang lalaking ikinasal. 10 Sinabi niya sa kaniya: Unang inihahain ng bawat tao ang mabuting alak. Ang mababang uri ay inihahain kapag marami na silang nainom. Ngunit itinabi mo ang mabuting alak hanggang ngayon.
11 Ang pasimulang ito ng mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea at nahayag ang kaniyang kaluwalhatian. Ang kaniyang mga alagad ay sumampalataya sa kaniya.
Copyright © 1998 by Bibles International