Revised Common Lectionary (Complementary)
Si Pablo, Ang Mangangaral sa mga Gentil
3 Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus para sa inyo na mga Gentil.
2 Tunay na narinig ninyo na ibinigay sa akin ang pangangasiwa sa biyaya ng Diyos para sa inyo. 3 Sumulat ako sa inyo ng maikling sulat noon na nagsasaad na sa pamamagitan ng paghahayag, ipinaalam niya sa akin ang hiwaga. 4 Sa inyong pagbasa nito ay mauunawaan ninyo ang aking kaalaman sa hiwaga ni Cristo. 5 Sa ibang kapanahunan, ito ay hindi ipinaalam sa sangkatauhan na tulad ngayon. Ito ngayon ay inihayag sa mga banal niyang apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Espiritu. 6 Ito ay upang sa pamamagitan ng ebanghelyo, ang mga Gentil ay magiging kasamang tagapagmana at kaisang katawan at kasamang kabahagi sa kaniyang pangako na na kay Cristo.
7 Ako ay ginawang tagapaglinkod ng ebanghelyong ito ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan. 8 Ako na higit na mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal ay pinagkalooban ng biyayang ito upang ipangaral ko sa mga Gentil ang ebanghelyo, ang hindi malirip na kayamanan ni Cristo. 9 Ito ay upang malinaw na makita ng lahat kung ano ang pakikipag-isa ng hiwaga, na sa panahong nakalipas, ay dating nakatago sa Diyos na lumikha ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesucristo. 10 Ang layunin niya ay upang ipaalam, sa pamamagitan ng iglesiya, ang malawak na karunungan ng Diyos sa mga pamunuan at mga kapamahalaan sa kalangitan. 11 Dapat nilang malaman ang kaniyang karunungan ayon sa walang hanggang layunin na kaniyang ginawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Sa kaniya, tayo ay mayroong katapangan at tayo ay tuwirang makakalapit sa Diyos na may katiyakan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo.
Ang Pagdating ng mga Pantas
2 Pagkatapos na maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Juda, sa panahon ng paghahari ni Herodes, may dumating sa Jerusalem mula sa silangan, na mga lalaking pantas sa pag-aaral ng mga bituin.
2 Sinabi nila: Saan naroroon ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Ito ay sapagkat nakita namin ang kaniyang bituin sa silangan at naparito kami upang sambahin siya.
3 Nang marinig ni haring Herodes ang mga bagay na ito, naligalig siya at ang lahat ng mga tao sa Jerusalem. 4 Tinipon niya ang lahat ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ng mga tao. Tinanong niya sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. 5 Sinabi nila sa kaniya: Sa Bethlehem ng Judea sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:
6 Ikaw Bethlehem sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakamaliit sa mga gobernador ng Juda sapagkat mula sa iyo ay lalabas ang isang pinuno na siyang mamumuno sa aking bayang Israel.
7 Nang magkagayon, tinawag ni Herodes nang palihim ang mga pantas na lalaki. Itinanong niyang mabuti sa kanila kung kailan nagpakita ang bituin. 8 At pinapunta niya sila sa Bethlehem. Sinabi niya: Pumaroon kayo at matiyaga ninyong ipagtanong ang patungkol sa bata. Kapag natagpuan ninyo siya, balitaan ninyo ako upang makapunta rin ako at sambahin siya.
9 Pagkarinig nila sa hari ay tumuloy na sila sa kanilang lakad. Narito, ang bituin na kanilang nakita sa silanganan ay nanguna sa kanila. Nanguna ito sa kanila hanggang sa sumapit at tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng maliit na bata. 10 Nang makita nila ang bituin, lubos silang nagalak. 11 Nang sila ay nasa loob na ng bahay, nakita nila ang bata, kasama ang kaniyang inang si Maria. Sila ay nagpatirapa at sinamba ang bata. Nang mabuksan na nila ang kanilang mga kayamanan, naghandog sila sa kaniya ng mga kaloob. Ang mga ito ay ginto, kamangyan at mira. 12 At nagbabala ang Diyos sa kanila sa isang panaginip na huwag na silang bumalik kay Herodes. Kaya sila ay nag-iba ng daan pauwi sa kanilang sariling lupain.
Copyright © 1998 by Bibles International