Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Bagong Jerusalem
21 At nakita ko ang isang bagong langit at ang bagong lupa, sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na. Ang dagat ay wala na.
2 At akong si Juan, nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababang mula sa Diyos na buhat sa langit. Ito ay inihanda na katulad ng isang babaeng ikakasal na ginayakan para sa kaniyang magiging asawa. 3 Narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa langit. Sinabi nito: Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya ay mananahang kasama nila. Sila ay magiging mga tao niya. Ang kanilang Diyos mismo ang sumakanila at siya ang kanilang magiging Diyos. 4 Pupunasin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata. Mawawala na ang kamatayan, ang pagtangis, ang pag-iyak o ang kabalisahan. Ang mga bagay sa nakaraan ay lumipas na.
5 Ang nakaupo sa trono ay nagsabi: Tingnan ninyo, ginawa kong bago ang lahat ng bagay. At sinabi niya sa akin: Isulat mo ito sapagkat ang mga salitang ito ay totoo at tapat.
6 At sinabi niya sa akin: Ang lahat ay naganap na. Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. Ibibigay ko ang tubig ng buhay na walang bayad sa sinumang nauuhaw. 7 Ang magtatagumpay ay magmamana ng lahat ng bagay. Ako ay kaniyang magiging Diyos at siya ay magiging anak ko.
Copyright © 1998 by Bibles International