Revised Common Lectionary (Complementary)
Pumili Sila ng Pito
6 Sa mga araw na iyon na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng bulung-bulungan ang mga Judio, na ang wika ay Griyego, laban sa mga Hebreo sapagkat ang kanilang mga babaeng balo ay nakakaligtaan sa araw-araw na paglilingkod.
2 Kaya tinawag ng labindalawa ang napakaraming alagad. Sinabi nila: Hindi nararapat na iwanan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa hapag. 3 Kaya nga, mga kapatid, humanap kayo mula sa inyong mga sarili ng pitong lalaki na may magandang patotoo, puspos ng Banal na Espiritu at karunungan na itatalaga natin sa gawaing ito. 4 Kami ay matatag na magpapatuloy sa pananalangin at paglilingkod para sa salita.
5 Ang sinabing ito ay nakalugod sa buong karamihan. Pinili nila si Esteban, isang lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas at Nicolas na taga-Antioquia na naging Judio. 6 Iniharap nila ang mga ito sa mga apostol. Pagkatapos manalangin, ipinatong ng mga apostol ang kanilang mga kamay sa kanila.
7 Lumago ang salita ng Diyos at lubhang dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem. Malaking karamihan ng mga saserdote ang tumalima sa pananampalataya.
51 Kayong mga matitigas ang ulo at hindi tuli ang mga puso at tainga! Lagi ninyong sinasalungat ang Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno ay gayundin naman ang gingawa ninyo. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay pa nila ang mga nagpahayag na nang una pa, ng pagdating ng Matuwid. Kayo ngayon ang pumatay at nagkanulo sa kaniya. 53 Kayo ang mga tumanggap ng kautusan na atas ng mga anghel at hindi naman ninyo ito sinunod.
Binato Nila si Esteban
54 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, nagsiklab ang kanilang galit. Nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.
55 Ngunit siya, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumingalang nakatuon sa langit. Nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos. 56 Sinabi niya: Narito, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos.
57 Kaya sila ay sumigaw ng malakas na tinig at tinakpan nila ang kanilang mga tainga. Nagkakaisa nilang dinaluhong si Esteban. 58 Itinapon nila siya sa labas ng lungsod at binato hanggang mamatay. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na Saulo ang pangalan.
59 Habang pinagbabato nila si Esteban tumawag siya sa Diyos at nagsabi: Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu. 60 Pagkatapos, siya ay lumuhod at siya ay sumigawng malakas: Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito. Pagkasabi niya nito, siya ay natulog.
Copyright © 1998 by Bibles International