Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Nang makapagtakda na sila ng isang araw sa kaniya, pumaroon sa kaniyang tinutuluyan ang lubhang maraming tao. Ipinaliwanag niya sa kanila ang bagay na sinasaksihan ang paghahari ng Diyos. Sila ay hinihimok niya patungkol kay Jesus, sa pamamagitan ng kautusan ni Moises at sa pamamagitan ng aklat ng mga propeta. Ito ay ginawa niya mula sa umaga hanggang sa gabi. 24 Ang ilan ay naniwala sa mga bagay na sinabi niya at ang ilan ay hindi naniwala. 25 Nang sila ay hindi magkaisa, umalis sila pagkasabi ni Pablo ng isang pananalita: Tama ang pagkasabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. 26 Sinasabi:
Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin mo: Sa pamamagitan ng pakikinig ay makakarinig kayo ngunit hindi kayo makakaunawa. Sa pagtingin ay makakakita kayo, ngunit hindi kayo makakatalos.
27 Ito ay sapagkat ang mga puso ng mga taong ito ay matigas na at nahihirapan nang makinig ang kanilang mga tainga. Ipinikit na nila ang kanilang mga mata. Baka sa anumang oras makakita pa ang kanilang mga mata, makarinig ang kanilang mga tainga. Makaunawa ang kanilang mga puso, at manumbalik sila at sila ay aking pagalingin.
28 Kaya nga, alamin ninyo na ang kaligtasan ng Diyos ay ipinadala sa mga Gentil. Sila ay makikinig. 29 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, umalis ang mga Judio na may malaking pagtatalo sa isa’t isa.
30 Si Pablo ay nanatili ng dalawang buong taon sa bahay na inuupahan niya. Tinatanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kaniya. 31 Ipinapangaral niya ang paghahari ng Diyos. At itinuturo niya ang mga bagay na nauukol sa Panginoong Jesucristo ng buong kalayaan at walang anumang nakahadlang.
Copyright © 1998 by Bibles International