Revised Common Lectionary (Complementary)
7 Alalahanin ninyo ang inyong mga tagapangasiwa na nagpahayag ng salita ng Diyos sa inyo. At tularan ninyo ang kanilang pananampalataya habang minamasdan ninyo ang hangarin ng kanilang buhay. 8 Si Jesus ay siya pa rin kahapon, ngayon, bukas at magpakailanman.
9 Huwag ninyong hayaan na madala kayo ng lahat ng uri at kakaibang mga katuruan. Sapagkat mabuting pagtibayin natin ang ating mga puso sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa pamamagitan ng pagkain. Ang pagkain ay hindi makakapagbigay ng kapakinabangan sa mga nabubuhay sa pamamagitan nito. 10 Tayo ay may isang dambana. Ang mga saserdote na naglilingkod sa makalupang tabernakulo ay walang karapatang kumain dito.
11 Sapagkat ang pinakapunong-saserdote ay nagdala ng dugo ng hayop sa kabanal-banalang dako bilang isang hain para sa kasalanan. Kapag ginagawa nila ito, sinusunog nila ang katawan ng mga hayop sa labas ng kampamento. 12 Kaya nga, gayundin naman kay Jesus, ng mapaging-banal niya ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang dugo, naghirap siya sa labas ng tarangkahan ng lungsod. 13 Kaya nga, tayo ay lumapit sa kaniya sa labas ng kampamento na binabata ang kaniyang kahihiyan. 14 Sapagkat wala tayong nananatiling lungsod dito. Subalit hinahangad natin ang lungsod na darating.
15 Kaya sa pamamagitan niya, patuloy tayong magdala ng handog ng papuri sa Diyos. Ang ating hain ay ang bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kaniyang pangalan. 16 Ang paggawa ng mabuti at pakikibahagi sa paglilingkod ay huwag ninyo itong kaliligtaan sapagkat kalugud-lugod sa Diyos ang mga handog na tulad nito.
17 Sundin ninyo ang mga nangangasiwa sa inyo at magpasakop kayo sa kanilang pamamahala sapagkat iniingatan nilang patuloy ang inyong mga kaluluwa bilang mga magbibigay sulit para sa inyo. Sundin ninyo sila upang magawa nila itong may kagalakan at hindi nang may kahapisan, sapagkat ito ay hindi magiging kapakipakinabang sa inyo.
Copyright © 1998 by Bibles International