Revised Common Lectionary (Complementary)
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon at muli kong sasabihin, magalak kayo. 5 Ipakilala ninyo sa lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Malapit na ang Panginoon. 6 Huwag kayong mabalisa patungkol sa anumang bagay. Sa halip, ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos na may pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin at ng panalanging may paghiling. 7 At ang kapayapaang mula sa Diyos, na higit sa anumang pang-unawa, ang siyang mag-iingat sa inyong mga puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
7 Lumabas ang karamihan upang magpabawtismo sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyong tumakas sa paparating na galit? 8 Kayo nga ay magbunga na karapat-dapat sa pagsisisi. Huwag ninyong sabihin sa inyong sarili: Si Abraham ang aming ama. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makakagawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito. 9 Ngayon din naman ay nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga punong-kahoy. Ang bawat punong-kahoy nga na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
10 Tinanong siya ng napakaraming tao: Ano ngayon ang dapat naming gawin?
11 Sumagot siya at sinabi sa kanila: Ang may dalawang balabal ay magbahagi sa kaniya na wala. Gayundin ang gawin ng may pagkain.
12 Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabawtismo. Sinabi nila sa kaniya: Guro, ano ang dapat naming gawin?
13 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong maningil ng buwis nang higit sa nakatakdang singilin ninyo.
14 Tinanong din siya ng mga kawal: Ano ang dapat naming gawin?
Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong mangikil sa sinuman, ni magparatang ng mali. Masiyahan na kayo sa inyong mga sinasahod.
15 Ang mga tao ay umaasa sa pagdating ng Mesiyas. Ang lahat ay nagmumuni-muni sa kanilang mga puso patungkol kay Juan kung siya nga ang Mesiyas o hindi. 16 Si Juan ay sumagot sa kanilang lahat: Binabawtismuhan ko nga kayo ng tubig ngunit darating ang isang higit na dakila. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang panyapak. Babawtismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu at ng apoy. 17 Ang pangtahip ay nasa kaniyang kamay. Lilinisin niya nang lubusan ang kaniyang giikan. Kaniyang titipunin ang trigo sa kaniyang kamalig.Susunugin niya ang dayami sa pamamagitan ng apoy na hindi mapapatay. 18 Marami pang mga bagayang kaniyang ipinagtagubilin sa kaniyang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tao.
Copyright © 1998 by Bibles International