Revised Common Lectionary (Complementary)
68 Sinabi niya: Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sapagkat dumating siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69 Siya ay nagbangon ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ni David na kaniyang lingkod. 70 Ito ay ayon sa kaniyang sinabi sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang pasimula. 71 Kaniyang sinabi na tayo ay ililigtas mula sa ating mga kaaway. Gayundin, mula sa kamay ng lahat ng mga napopoot sa atin. 72 Ito ay upang tuparin ang kaniyang kahabagan sa ating mga magulang at alalahanin ang kaniyang banal na tipan. 73 Ito ang panunumpa na kaniyang sinumpaan sa ating amang si Abraham na ibibigay sa atin. 74 Ginawa niya ito upang tayo ay maglingkod sa kaniya nang walang takot, pagkatapos niya tayong iligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway. 75 Tayo ay maglilingkod sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya habang tayo ay nabubuhay. 76 Ikaw, maliit na bata, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan sapagkat yayaon ka sa harapan ng Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daan. 77 Ikaw ay yayaon upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78 Ito ay sa pamamagitan ng taos-pusong kahabagan ng ating Diyos, kung saan ang bukang-liwayway mula sa kataasan ay dumating sa atin. 79 Ito ay upang magliwanag sa mga nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan at upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.
Pasasalamat at Pananalangin
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing maaala-ala ko kayo.
4 Humihiling ako sa Diyos na may galak para sa inyong lahat sa tuwing dumadalangin ako. 5 Ito ay dahil sa inyong pakikipag-isa sa ebanghelyo mula pa noong unang araw hanggang ngayon. 6 Lubos akong nakakatiyak sa bagay na ito, na siya na nagsimula ng mabuting gawa sa inyo ay magtatapos nito hanggang sa araw ni Jesucristo.
7 Matuwid lamang na maging ganito ang aking kaisipan sa inyong lahat sapagkat kayo ay nasa puso ko. Kayong lahat ay kabahagi ko sa biyaya, sa pagkatanikala, sa pagtatanggol at sa pagpapatunay na totoo ang ebanghelyo. 8 Ito ay sapagkat ang Diyos ang aking saksi kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat na tulad ng pagmamalasakit na mayroon si Jesucristo.
9 Ito ang aking panalangin na ang inyong pag-ibig ay lalung-lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pagkaunawa. 10 Dalangin ko rin na mapili ninyo ang mga bagay na pinakamabuti upang kayo ay maging tapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo. 11 At upang kayo ay mapuspos ng mga bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesucristo sa ikaluluwalhati at sa ikapupuri ng Diyos.
Si Juan na Tagapagbawtismo ay Nangaral at Nagbawtismo
3 Sa ika-labinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, ang gobernador sa Judea ay si Poncio Pilato. Ang tetrarka[a] sa Galilea ay si Herodes. Ang kaniyang nakakabatang kapatid na si Felipe ay punong tagapamahala sa Iturea at sa lalawigan ng Traconite. Si Lisonias ay punong tagapamahala sa Abilinia.
2 Ang mga pinakapunong-saserdote ay sina Anas at Caifas. Sa panahong iyon, ang salita ng Diyos ay dumating kay Juan na nasa ilang. Si Juan ay anak ni Zacarias. 3 Siya ay pumunta sa lahat ng lupain sa palibot ng Jordan. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikakapagpatawad ng mga kasalanan. 4 Sa aklat ng mga salita ni Isaias, ang propeta, ay ganito ang nasusulat:
May tinig na sumisigaw sa ilang. Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.
5 Tatambakan ang bawat bangin at papatagin ang bawat bundok at burol. Ang mga liku-liko ay tutuwirin at ang mga baku-bako ay papantayin. 6 Makikita ng lahat ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International