Revised Common Lectionary (Complementary)
68 Sinabi niya: Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sapagkat dumating siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69 Siya ay nagbangon ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ni David na kaniyang lingkod. 70 Ito ay ayon sa kaniyang sinabi sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang pasimula. 71 Kaniyang sinabi na tayo ay ililigtas mula sa ating mga kaaway. Gayundin, mula sa kamay ng lahat ng mga napopoot sa atin. 72 Ito ay upang tuparin ang kaniyang kahabagan sa ating mga magulang at alalahanin ang kaniyang banal na tipan. 73 Ito ang panunumpa na kaniyang sinumpaan sa ating amang si Abraham na ibibigay sa atin. 74 Ginawa niya ito upang tayo ay maglingkod sa kaniya nang walang takot, pagkatapos niya tayong iligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway. 75 Tayo ay maglilingkod sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya habang tayo ay nabubuhay. 76 Ikaw, maliit na bata, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan sapagkat yayaon ka sa harapan ng Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daan. 77 Ikaw ay yayaon upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78 Ito ay sa pamamagitan ng taos-pusong kahabagan ng ating Diyos, kung saan ang bukang-liwayway mula sa kataasan ay dumating sa atin. 79 Ito ay upang magliwanag sa mga nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan at upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Alagad
9 Sama-samang tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad. Binigyan niya sila ng kapangyarihan at kapamahalaan laban sa lahat ng mga demonyo at kapangyarihang pagalingin ang mga sakit.
2 Sinugo niya sila upang ipangaral ang paghahari ng Diyos at magpagaling ng mga maysakit. 3 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay kahit tungkod, o bayong, o tinapay, o salapi, o kahit na dalawang balabal. 4 Saan mang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon at mula roon umalis kayo. 5 Kung hindi nila kayo tanggapin sa lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. Gawin ninyo ito bilang patotoo laban sa kanila. 6 Sila ay umalis at dumaan sa mga nayon. Sila ay naghahayag ng ebanghelyo at nagpapagaling kahit saan.
Copyright © 1998 by Bibles International