Revised Common Lectionary (Complementary)
68 Sinabi niya: Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sapagkat dumating siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69 Siya ay nagbangon ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ni David na kaniyang lingkod. 70 Ito ay ayon sa kaniyang sinabi sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang pasimula. 71 Kaniyang sinabi na tayo ay ililigtas mula sa ating mga kaaway. Gayundin, mula sa kamay ng lahat ng mga napopoot sa atin. 72 Ito ay upang tuparin ang kaniyang kahabagan sa ating mga magulang at alalahanin ang kaniyang banal na tipan. 73 Ito ang panunumpa na kaniyang sinumpaan sa ating amang si Abraham na ibibigay sa atin. 74 Ginawa niya ito upang tayo ay maglingkod sa kaniya nang walang takot, pagkatapos niya tayong iligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway. 75 Tayo ay maglilingkod sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya habang tayo ay nabubuhay. 76 Ikaw, maliit na bata, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan sapagkat yayaon ka sa harapan ng Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daan. 77 Ikaw ay yayaon upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78 Ito ay sa pamamagitan ng taos-pusong kahabagan ng ating Diyos, kung saan ang bukang-liwayway mula sa kataasan ay dumating sa atin. 79 Ito ay upang magliwanag sa mga nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan at upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.
Ang mga Tanikala ni Pabloay Nagpalaganap sa Ebanghelyo
12 Mga kapatid, ibig kong maunawaan ninyo ngayon na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbunga ng paglaganap ng ebanghelyo. 13 Dahil dito, naging maliwanag sa lahat ng mga bantay sa palasyo at sa lahat ng iba pang tao na ako ay nakatanikala dahil kay Cristo. 14 Dahil sa aking pagkatanikala ang nakararami sa mga kapatid sa Panginoon ay lalong nagtiwala sa Panginoon, sila ay lalong naging malakas ang loob sa pangangaral ng salita nang walang takot.
15 Totoo ngang may ilang nangangaral patungkol kay Cristo dahil sa inggit at dahil sa paglalaban-laban ngunit ang iba naman ay sa mabuting kalooban. 16 Ang ilan ay naghahayag patungkol kay Cristo dahil sa makasariling hangarin, hindi sa katapatan ng kalooban, na nag-aakalang ito ay makakadagdag ng paghihirap sa aking pagkakatanikala. 17 Ngunit ang iba ay gumagawa nang dahil sa pag-ibig, na kanilang nalalaman na ako ay itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo. 18 Ano nga ang kahalagahan nito? Ang mahalaga ay naipangaral si Cristo sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan. Dahil dito, ako ay nagagalak at patuloy na magagalak.
Copyright © 1998 by Bibles International