Revised Common Lectionary (Complementary)
20 Ngayon, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Siya ang naging unang bunga nila na mga namatay. 21 Yaman ngang sa pamamagitan ng tao ang kamatayan ay dumating, sa pamamagitan din naman ng isang tao ay dumating ang muling pagkabuhay sa mga patay. 22 Kung papaanong kay Adan ang lahat ay namatay, gayundin naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Ngunit ang bawat tao ay may kaniya-kaniyang pagkakasunod-sunod. Si Cristo ang pinaka-unang bunga, pagkatapos sila na mga kay Cristo, sa kaniyang pagdating. 24 Pagkatapos ng mga ito ay ang katapusan, kapag naibigay na niya ang paghahari sa kaniya na Diyos at Ama. Ito ay kapag kaniyang napawalan ng kapangyarihan ang lahat ng pamumuno at lahat ng kapamahalaan at lahat ng kapangyarihan. 25 Ito ay sapagkat kinakailangan niyang maghari hanggang sa mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga paa ang lahat ng kaaway. 26 Ito ay sapagkat ang huling kaaway na pawawalan ng kapangyarihan ay ang kamatayan. 27 Ito ay sapagkat kaniya na ngang ipinasailalim sa kaniyang mga paa ang lahat ng mga bagay. Ngunit nang sabihin niya na ang lahat ng mga bagay ay ipinasailalim niya, maliwanag na siya na magpasailalim ng lahat ng mga bagay ay hindi kasama. 28 Kapag ang lahat ng mga bagay ay mapasailalim na niya, ang Anak din naman ay mapapasailalim sa Ama na nagpasailalim ng lahat ng mga bagay sa kaniya. Ito ay upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.
Copyright © 1998 by Bibles International