Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 93

Ang Dios ang ating Hari

93 Kayo ay hari, Panginoon;
    nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
    Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
    naroon na kayo noon pa man.
Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
    at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.

Ezekiel 28:20-26

Ang Mensahe Laban sa Sidon

20 Sinabi sa akin ng Panginoon, 21 “Anak ng tao, humarap ka sa Sidon at sabihin mo ito laban sa kanya. 22 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sidon, kalaban kita. Pupurihin ako ng mga tao sa oras na parusahan kita, at malalaman nila na ako ang Panginoon. Sa ganitong paraan malalaman mo kung gaano ako kabanal. 23 Padadalhan kita ng mga salot at dadanak ang dugo sa mga lansangan mo. Kabi-kabila ang sasalakay sa iyo, maraming mamamatay sa mga mamamayan mo. At malalaman nila na ako ang Panginoon.

24 “At mawawala na ang mga kalapit-bansa ng Israel na nangungutya sa kanila, na parang mga tinik na sumusugat sa kanilang damdamin. At malalaman nilang ako ang Panginoong Dios.”

25 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Titipunin ko na ang mga mamamayan ng Israel mula sa mga bansang pinangalatan nila. Sa pamamagitan ng gagawin kong ito, maipapakita ko ang aking kabanalan sa mga bansa. Titira na sila sa sarili nilang lupain, ang lupaing ibinigay ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Ligtas silang maninirahan doon. Magtatayo sila ng mga bahay at magtatanim ng mga ubas. Wala nang manggugulo sa kanila kapag naparusahan ko na ang lahat ng kalapit nilang bansa na kumukutya sa kanila. At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios.”

1 Corinto 15:20-28

20 Ngunit ang totoo, muling nabuhay si Cristo bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 21 Dahil sa isang tao na si Adan, dumating ang kamatayan sa lahat ng tao. At dahil din sa isang tao na si Cristo, muling mabubuhay ang mga patay. 22 Sapagkat kung paanong tayong mga tao ay mamamatay dahil sa kaugnayan natin kay Adan, ganoon din naman, dahil sa ating kaugnayan kay Cristo, tayong lahat ay muling mabubuhay. 23 Ngunit may kanya-kanyang takdang panahon ang muling pagkabuhay. Unang nabuhay si Cristo; pagkatapos, ang mga nakay Cristo naman ang bubuhayin pagbalik niya rito sa mundo. 24 At pagkatapos nito, darating ang katapusan. Lulupigin niya ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan, at ibibigay ang paghahari sa Dios Ama. 25 Sapagkat si Cristoʼy dapat maghari hanggang sa lubusan niyang malupig ang lahat ng kanyang mga kaaway. 26 At ang huling kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27 Sinasabi sa Kasulatan na ang lahat ng bagay ay ipinasakop ng Dios kay Cristo.[a] Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” hindi nangangahulugan na kasama rito ang Dios na siyang nagpasakop ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28 At kung ang lahat ay naipasakop na sa kapangyarihan ni Cristo, maging si Cristo ay magpapasakop sa Dios na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Dios ang siyang maghari sa lahat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®